Ebanghelyo: Lucas 7,11-17
Pumunta si Hesus sa isang bayang tinatawag na Nain; at sinamahan siya ng kanyang mga alagad, kasama ang maraming tao. Habang papalapit siya sa pintuan ng bayan, tamang tama namang inilalabas ang isang patay, ang nag iisang anak na lalaki ng kanyang ina. At ito’y isang byuda kaya sinamahan siya ng di kakaunting tao mula sa bayan. Pagkakita sa kanya, nahabag sa kanya ang Panginoon at sinabi “Huwag kanang umiyak.” Lumapit siya at hinipo ang kabaong: tumigil naman ang mga may dala. At sinabi niya, “Binata, iniuutos ko sayo bumangon ka”. Umupo nga ang patay, at nagpasimulang magsalita. At ibinigay siya ni Hesus sa kanyang ina. Nasindak ang lahat at nagpuri sa Diyos, at sinabi, lumitaw sa natin ang isang dakilang propeta at dinalaw ng Dios ang kanyang bayan. Kaya’t kumalat ang balitang ito tungkol sa kanya, sa buong lupain ng mga Judio, at sa lahat na karatig na lupain.
Pagninilay:
Sino’ng magulang ang hindi iiyak kapag pumanaw ang anak? Lalo na ang ina na ang sariling dugo at laman ang ginamit ng Diyos para hubugin ang buhay sa sinapupunan.
Tapos bigla na lang… wala na. Hinugot mula sa piling niya. At ang natira? Luha. Hikbi. Basag na puso na hindi alam kung paano buuin.
Doon sinalubong ni Hesus ang ina ng wala nang buhay na batang lalaki. Hindi siya tinanong. Hindi siya pinangaralan. Ang sabi lang Niya: Huwag kang umiyak. Wait. What? Parang iba ang sinasabi sa textbook ng Pastoral Care. Sabi kasi doon, kung may isang salitang bawal sabihin sa nagdadalamhati, ito ‘yon. “Huwag kang umiyak.” Dahil tila sinasabing huwag masyadong pagtuunan ng pansin. Kaso, hindi natin alam ang masasayang moments na pinagsamahan nila o kaya may regrets dahil nakaligtaang ipadama. Pero teka, bakit nga ba sinabi ni Hesus ang salitang iyon? Kapanalig, ang “Huwag kang umiyak” ni Hesus ay hindi hungkag na konsolasyon. Hindi ito “cheer up” na walang laman. Ito ay Salitang may buhay. May kasamang solusyon. May kapangyarihang magpabangon. Hindi Siya insensitive. Mahabagin Siya. At ang habag Niya, hindi lang pampalubag-loob kundi nakapagbabalik ng buhay. Kaya’t kung ikaw ay lugmok, kung ang puso mo ay parang kabaong na walang laman, kung ang pananampalataya mo ay sumisinghap-singhap na lang, makinig ka sa Kanya. “Huwag kang umiyak.” Dahil may bagong simula. Dahil may buhay na muling ibinibigay. Dahil ang Diyos ay hindi lang kasama mo sa luha, may kasamang assurance na Siya na ang bahala.
-Sr. Gemmaria Dela Cruz, fsp l Daughters of St. Paul