Ebanghelyo: Lucas 4,31-37
Bumaba si Hesus sa Capernaum na isang bayan ng Galilea, kung saan niya nakaugaliang magturo tuwing Araw ng Pahinga. At nagulat ang mga tao sa kanyang aral dahil nagtuturo siya nang may kapangyarihan. May isang tao sa sinagoga na inaalihan ng maruming demonyo, na sumigaw nang malakas. “Ah, ano ang pakialam mo sa amin, Hesus na taga-Nazaret? Para ipahamak kami kaya ka dumating. Alam ko kung sino ka, ang Banal ng Diyos!” “Tumahimik ka at lumabas sa kanya!” Pagkatapos ibulagta ng demonyo ang tao sa gitna nila, lumabas ito mula sa kanya nang hindi sinasaktan. Pagtataka ang sumalahat at nag-usap-usap sila: “Ano ito? Nakapag-uutos siya sa maruruming espiritu nang may kapangyarihan at lakas, at lumalabas sila!” Kayat kumalat ang usap-usapan tungkol sa kanya sa lahat ng lugar sa kabayanan.
Pagninilay:
Alam mo ba na araw-araw, may laban kang hinaharap? Hindi ito suntukan. Hindi ito sigawan, kundi labanan sa kalooban. Labanan ng mabuti at ng masama. Tahimik pero matinik. Kapag pinili mo ang masama, sasampa sa iyo ang ligalig. Kapag pinili mo ang mabuti, kapayapaan sa iyo ang titindig. Pero paano nga ba nanliligalig ang masama? Una, gulo ng isipan. May kakilala ako, nagdarasal pero binabagabag. Kapag nakaluhod sa Misa, biglang lalabas sa Simbahan at isusumpa ang Diyos. May mga bastos pang larawan ang lumilitaw sa kanyang imahinasyon. Ayaw niya kaso hindi niya mapigilan. Ito ang obsession, ang panliligalig sa isipan. Ikalawa, ang oppression o panliligalig sa kalooban. Sunod-sunod ang problema. Nawalan ng trabaho. Nagkasakit nang malubha. Nalunod ang bahay, pati pag-asa, lumubog na rin. Ikatlo: Possession o panliligalig at pagsakop sa katawan. Nagsasalita ng wikang hindi nila alam. Lumalakas nang higit sa normal. Ayaw sa krus at sa rosaryo. Kapanalig, hindi ito kwento ng horror, kundi paalala. Huwag mag-alala. Totoo na ang masama ay hahandusay, tuwing lalaban siya sa Diyos ng kabutihan at tagumpay. Kinumpirma ito ng PACE o Philippine Association of Catholic Exorcists, sa Ikaanimnapu’t walong Kabanata ng Salmo, talata isa: “Hayaang tumindig ang Diyos, nang pumangalat ang kaaway. Tumakas sa Kanyang presensya ang mga nasusuklam sa Kanya.”
-Sr. Gemmaria Dela Cruz, fsp l Daughters of St. Paul