Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Setyembre 21, 2025 – Ika-25 Linggo sa Karaniwang Panahon (K)

Ebanghelyo: Lucas 16,1-13

Sinasabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “May katiwala ang isang mayaman, at isinumbong sa kanya na nilulustay ng katiwala ang kanyang kayamanan. Ipinatawag niya ito at sinabi sa kanya: ‘Ano itong naririnig ko tungkol sa iyo? Magsulit ka sa akin ng iyong pangangasiwa dahil hindi ka na makapangangasiwa.’ At inisip ng katiwala: ‘Tatanggalin ako ngayon sa pangangasiwa ng aking panginoon. Ano ang gagawin ko? Kulang ako ng lakas para magbungkal ng lupa, nahihiya naman akong magpalimos. Ah, alam ko na ang gagawin ko. At pagkatanggal sa akin sa pangangasiwa, may mga magpapatuloy sa akin sa kanilang mga bahay.’ Kaya tinawag niyang isa-isa ang mga may –utang sa kanyang panginoon. Tinanong niya ang una: ‘Magkano ang utang mo sa aking panginoon?’ Sumagot ito: ‘Sandaang galon ng langis.’ Sinabi ng katiwala: ‘Narito ang resibo mo, maupo ka agad at isulat mo: Limampu.’ Tinanong naman niya ang ikalawa: ‘At ikaw, magkano ang utang mo?’ Sumagot siya: ‘Sanlibong takal ng trigo.’ Sinabi ng katiwala: ‘Narito ang iyong resibo at isulat mo: ‘Walundaan.’ Hinangaan ng panginoon ang matalinong paggawa ng di matuwid na katiwala. Mas matalino nga ang mga taong makamundo sa pakikitungo sa mga gaya nila kaysa mga tao ng liwanag.” Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad:

“Sinasabi ko sa inyo: gamitin n’yo ang di matuwid na Perang-diyos para magkaroon ng mga kaibigan para sa pagkaubos nito’y tanggapin naman nila kayo sa walang hanggang mga tahanan. Ang mapagkakatiwalaan sa maliliit na bagay ay mapagkakatiwalaan din sa malalaki, at ang di mapagkakatiwalaan sa maliliit ay hindi rin mapagkakatiwalaan sa malalaki. Kung hindi kayo mapagkatiwalaan sa di matuwid na pera, sino ang magtitiwala sa inyo ng tunay na kayamanan? Kung hindi kayo mapagkakatiwalaan sa mga bagay na labas sa inyo, sino pa kaya ang magbibigay sa inyo ng atin na mismo? Walang katulong na makapagsisilbi sa dalawang amo; siguradong kamumuhian niya ang isa at mamahalin naman ang isa pa o magiging matapat sa isa at mapapabayaan ang ikalawa. Hindi kayo makapaglilingkod sa Diyos at sa pera.”

Pagninilay:

Gaano ka ba mapagkakatiwalaan?

Isang tanong na hindi lamang para sa mga may mataas na tungkulin, kundi para sa ating lahat na araw-araw ay pinagkakatiwalaan din.

Sa Ebanghelyo ngayon, ikinuwento ni Jesus ang tungkol sa isang katiwalang hindi naging tapat sa kanyang tungkulin. Ngunit sa huli, pinuri pa rin siya — hindi dahil sa pandaraya, kundi sa pagiging madiskarte. Dito tayo hinahamon ni Jesus: Ano ang ginagawa natin sa mga ipinagkaloob sa atin?

Ang oras natin, talino natin, yaman natin, maging ang tiwala ng iba na ibinibigay sa atin — lahat ng ito ay hindi lamang pag-aari, kundi pananagutan natin. At ayon kay Jesus: “Ang mapagkakatiwalaan sa maliit na bagay ay mapagkakatiwalaan din sa  mas malaki.”

Kaya’t huwag nating maliitin ang maliliit na gawain: isang taimtim na panalangin, tapat na pagtupad sa mga tungkulin, pagkalinga sa kapwa na walang hinihintay na kapalit. Lahat ng ito ay kailangan nating alagaan at pagyamanin.

Dahil ang tunay na katiwala ay hindi naghihintay ng papuri – kundi patuloy na naglilingkod at gumagawa, sa harap ng iba o sa panahong walang nakakakita.

Kaya, Panginoon, turuan mo kaming maging tapat – sa maliit man o sa malaki, sa walang nakakakita o sa harap man ng marami. Turuan Mo kaming maging mapagkakatiwalaan sa lahat ng oras at bagay. Amen.

  • Rev. Ronel Delos Reyes, ssp l Society of St. Paul