Ebanghelyo: LUCAS 9,1-6
Tinawag ni Jesus ang Labindalawa at binigyan sila ng lakas at kapangyarihan para supilin ang lahat ng demonyo at magpagaling ng mga sakit. Sinugo n’ya sila para ipahayag ang Kaharian ng Diyos at magbigay-lunas. Sinabi n’ya sa kanila: “Huwag kayong magdala ng anuman sa inyong paglakad, ni tungkod, ni supot, ni tinapay, ni salapi; huwag kayong magkaroon ng tigalawang bihisan. Sa alinmang bahay kayo makituloy, doon kayo tumigil hanggang sa pag-alis ninyo. Kung may hindi tatanggap sa inyo, umalis kayo sa bayang iyon at ipagpag ang alikabok sa inyong mga paa bilang sakdal laban sa kanila.” Kaya nga lumabas sila at dumaan sa lahat ng bayan na nangangaral at nagpapagaling saanman.
Pagninilay:
Magandang araw mga kapanalig. May kwento ako. Isang barko ang naglalayag sa kalagitnaan ng madilim na karagatan nang may makita itong liwanag sa malayo, direkta sa kanilang daraanan. Inutusan ng kapitan ang tagapagsenyas: “Pakiusap, lumihis kayo ng 10 degrees pa-hilaga.” Maya-maya, may dumating na tugon: “Pakiusap, lumihis kayo ng 10 degrees pa-timog.” Medyo nainis ang kapitan:”Pakiusap, lumihis kayo ng 10 degrees pa-hilaga; ako ay isang kapitan.” Muli ang tugon: “Pakiusap, lumihis kayo ng 10 degrees pa-timog; ako ay isang seaman second class.” Ngayon, lubos nang nagalit ang kapitan: “Pakiusap, lumihis kayo ng 10 degrees pa-hilaga; ito ay isang barkong pandigma!” Ang sagot: “Pakiusap, lumihis kayo ng 10 degrees pa-timog; ito ay isang light house.”
Madalas, tayo ay katulad ng kapitan – akala natin hawak natin ang sitwasyon, pero sa totoo lang may mga bagay na hindi natin kayang baguhin. May mga pagkakataon na kailangan nating tanggapin na hindi tayo ang may huling salita.
Sa Ebanghelyo ngayon, pinaaalalahanan tayo ni Jesus na hindi laging ayon sa ating gusto ang buhay. Marami sa ating mga mabibigat na pasanin ay galing sa kagustuhan nating kontrolin ang lahat: trabaho, pamilya, kinabukasan. Kaya nga’t kung minsan, mas lumalaki ang ating kaba at takot.
Kapanalig, kailangan natin ang Diyos. Kailangan natin ang tulong ni Hesus. Tulad ng isang marinong nagtitiwala sa light house, kailangan din nating magtiwala sa liwanag ni Kristo na gumagabay sa atin. Kaya lagi nawa nating alalahanin: Hindi tayo maliligaw kung tayo’y magtitiwala kay Kristo na ating Ilaw. Amen.
- Fr. Jk Maleficiar, ssp l Society of St. Paul