Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Setyembre 26, 2025 – Biyernes ng Ika-25 Linggo sa Karaniwang Panahon (I) | Paggunita kay San Cosme at San Damian, mga martir

Ebanghelyo: Lucas 9:18-22

Minsan, mag-isang nagdarasal si Hesus at naroon din ang mga alagad. Tinanong niya sila: “Sino raw ako ayon sa sabi ng mga tao?” “Si Juan Bautista raw. May iba namang nagsasabing ikaw si Elias. At may iba pang nagsasabi na isang propeta noong una ang nabuhay.” “Ano naman ang sinasabi ninyo kung sino ako?” Sumagot si Pedro: “Ang Mesiyas ng Diyos.” At inutusan sila ni Hesus na huwag sabihin ito kanino man. Sinabi nga ni Hesus: “Kailangang magtiis ng marami ang Anak ng Tao. Itatakwil nga siya ng mga Matatanda ng bayan, ng mga Punong-pari at ng mga guro ng Batas. Papatayin siya at muling babangon sa ikatlong araw.”

Pagninilay:

May kilala ka bang santong kambal? Ang kilala ko lang noon ay sina San Benito at Santa Scolastica. Pero ang mga santong ipinagdiriwang natin ngayon, sina San Cosme at San Damiano ay kambal. Pareho silang duktor at parehong martrir.

Noong panahong iyon, gaya ngayon, binabayaran ang serbisyo ng mga duktor ayon sa kanilang reputasyon. Yung mahuhusay at matagumpay ay karaniwang nagseserbisyo sa mayayaman at may regular na sweldo. Pero alam n’yo kung ano ang ginawa ni Cosme at Damiano na mga Kristiyano? Nag-alay sila ng kanilang serbisyo nang libre sa mga mahihirap! At dahil dito, marami sa kanilang mga kababayan ang naakit sa pananampalataya. Ayon sa kuwento marami silang napagaling hindi lang dahil sa kanilang husay kundi mas higit dahil sa kanilang panalangin, at nailapit sa Diyos.

Noong ikatlong siglo, naging emperador sa Roma si Diocletian at inusig niya ang mga Kristiyano, kasama na rito sina Cosme at Damiano. Sinasabing pinahirapan sila at maraming beses silang pinagtangkaang patayin sa pamamagitan ng pagkalunod, apoy, mga sibat, at pagbato, pero nabigo ang lahat ng ito. Sa huli, pinugutan ng ulo sina Cosme at Damiano kasama ng tatlo nilang kapatid.

Hindi siguro tinanong si Cosme at Damiano, gaya ng mga alagad sa Mabuting Balita ngayon, kung sino si Hesus para sa kanila. Pero sa kanilang serbisyo, kabutihan, katapangan at katapatan kay Kristo hanggang kamatayan ay nagpatotoo sila sa pagkalinga at pagmamahal ni Jesus na ating Mesias.

San Cosme at San Damiano, ipanalangin n’yo kami. Amen.

  • Sr. Rose Agtarap, fsp l Daughters of St Paul