Ebanghelyo: Lucas 4,38-44
Pag-alis ni Hesus sa sinagoga, nagpunta siya sa bahay ni Simon. Inaapoy ng lagnat ang biyenang babae ni Simon. Kayat pinakiusapan nila siya tungkol sa kanya. Pagkayuko ni Hesus sa kanya, inutusan niya ang lagnat at nilisan siya nito. Kaagad siyang tumindig para maglingkod sa kanila. Paglubog ng araw, dinala naman sa kanya ng lahat ng tao ang kasama nilang mga may sakit ng iba’t ibang karamdaman. Ipinatong niya ang kanyang mga kamay sa bawat isa sa kanila at pinagaling sila. Lumabas ang mga demonyo mula sa maraming tao at pasigaw na sinabi ng mga ito: “Ikaw ang Anak ng Diyos!” Ngunit pinatahimik niya sila at di pinahihintulutang magsalita dahil alam ng mga ito na siya ang Mesiyas. Nang mag-uumaga na, lumabas si Hesus at pumunta sa isang ilang na lugar. Ngunit pinaghahanap siya ng maraming tao, at nang matagpuan siya’y sinikap nilang hadlangan na makaalis pa siya sa kanila. Pero sinabi niya sa kanila: “Dapat ko ring ipahayag ang Mabuting Balita ng paghahari ng Diyos sa iba pang mga bayan; ito ang dahilan kung bakit ako isinugo.” At nagpatuloy siyang mangaral sa mga sinagoga ng Judea.
Pagninilay:
Ika nga ng isang kasabihan, “Tell me who your friends are and I will tell you who you are.” Kung masayahin ang ating mga kaibigan, siguro masayahin din tayo. Kung mahilig naman sila sa kantahan o mag-videoke, malamang mapapahilig rin tayo sa musika. Sa madaling sabi, malaki ang impluwensiyang dulot sa atin ng ating mga kaibigan, lalo na sa mga bagay na maaaring ikalago o magpabagal ng ating pagyabong bilang mga tao.
Sa tagpo ng Mabuting Balita ngayon, masasaksihan natin ang pasimula ng healing ministry ni Hesus. Kapansin-pansin ang pagpapagaling niya sa biyenan ni Simon Pedro, sa mga taong may iba’t ibang uri ng karamdaman, at maging sa mga inaalihan ng demonyo. Marahil ay hindi sila magkamayaw sa mumunting bahay na iyon, makapadaupang-palad lamang si Hesus. Ngunit mas kapansin-pansin, na ang mga taong nagmamahal at nagmamalasakit para sa mga maysakit ang nagiging daan upang
makatagpo nila si Hesus na kanilang kalunasan at kaligtasan. Samakatuwid, ang paggaling ay hindi lamang nakasalig sa tanong na paano, kundi kung sino.
Mga kapanalig, ang pag-aakay sa atin ng ating mga kaibiga’t kapamilya kay Kristo ay hindi tumitigil sa ating personal na pakikipagtagpo; ito dapat ay namumulaklak sa misyon. Tanging sa pagpapaubayang magpa-akay natin matutunan kung paano maka-akay rin ng iba patungo sa Panginoon. At hindi ba ito rin ang imahe ng ating pagiging Simbahang sama-samang naglalakbay: kapit-bisig, lingkis-lingkis, at nakabungisngis? Ito ang hamon sa atin ngayon: ang maging kaibiga’t kapatid upang ang isa’t isa’y sa Panginoon maihatid.
- Bro Russel Patolot, ssp l Society of St. Paul