Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Setyembre 5, 2025 – Biyernes, Ika-22 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)

Ebanghelyo: Lucas 5,33-39

Sinabi ng mga Pariseo at mga guro ng Batas kay Hesus: “Madalas mag-ayuno at may mga panalangin ang mga alagad ni Juan, at gayon din naman ang mga alagad ng mga Pariseo; kumakain naman at umiinom ang mga iyon.” Kaya sinabi ni Hesus sa kanila: “Hindi ninyo mapag-aayuno ang mga abay sa kasalan habang kasama pa nila ang nobyo, di ba? Ngunit darating ang panahon na aagawin sa kanila ang nobyo at sa araw na iyon sila mag-aayuno.” Sinabi pa ni Hesus sa kanila ang isang talinhaga: “Walang pumuputol ng panagpi mula sa bagong damit at itinatagpi sa lumang damit. Kung hindi’y napupunit na ang bago at hindi pa magiging bagay sa lumang damit ang tagping mula sa bago. At wala ring naglalagay ng bagong alak sa mga lumang sisidlan. Kung hindi’y sisirain ng bagong alak ang mga lumang sisidlan kaya matatapon ang alak at masisira pati mga sisidlan. Sa halip ay sa mga bagong sisidlan dapat ilagay ang bagong alak. Hindi naman humihingi ng bagong alak ang umiinom ng luma, sinasabi nga niya: ‘Ang luma ang siyang mabuti.’”

Pagninilay:

May mga bagay na kapag paulit-ulit, nagiging automatic. Gumigising ka, nagkakape, pumapasok sa trabaho – hindi na iniisip, basta ginagawa. At maganda ‘yun sa maraming bagay para di tayo nag-aaksaya ng oras at enerhiya sa mga bagay na inuulit lang naman talaga. Pero babala: hindi pwedeng ganito lang tayo sa ating pananampalataya – ginagawa lang dahil nakasanayan, hindi dahil alam kung bakit o para kanino.

Sa Mabuting Balita ngayon, tinanong si Jesus kung bakit hindi nag-aayuno ang Kanyang mga alagad. Sabi Niya, “Hindi puwedeng mag-ayuno ang mga panauhin habang kasama nila ang lalaking ikinakasal.” Ibig sabihin, may tamang panahon para sa bawat gawain at may tamang gawain at asal rin sa bawat naiibang panahon.

Hindi tinatanggal ni Jesus ang kahalagahan ng pag-aayuno o tradisyon. Itinutuwid lang Niya ang puso sa likod nito. ‘Wag nating gawing simpleng checklist ang pananampa-lataya. Dahil ang pananampalataya ay ugnayan sa Kanya. At gaya ng anumang ugnayan, may galaw at may pagbabago.

May panahon ng pagtitiis, at may panahon ng kagalakan. May panahon ng pagsa-sakripisyo, at may panahon ng pagpapahinga sa Kanyang presensya. At lahat ng papalit-palit na panahon at gawain, iisa ang sentro natin: si Hesus. Kaya sinabi rin Niya ang talinhaga ng bagong alak sa lumang sisidlan. Ang bagong buhay kay Kristo ay hindi puwedeng ikulong sa luma at matigas na paraan ng pag-iisip. Kapag pinipilit, pareho lang masisira—ang sisidlan at ang alak.

Ito ang sikreto ng mga banal tulad ni Santa Teresa ng Calcutta, na inaalala natin ngayon. Araw-araw siyang sumabak sa pagod, sa hirap, sa pakikisalamuha sa pinakamahihirap. Pero hindi siya nakulong sa rutina. Lahat ng kanyang gawain, maging ang pinakamaliit, ay direktang kaugnay kay Jesus. Kung ang pananampalataya ay nakasentro lang sa ritwal at hindi sa presensya Niya, madaling mabawasan ng sigla at kahulugan. Pero kapag si Kristo ang pinagmumulan, kahit ang routine ay nagiging buhay, at kahit ang sakripisyo ay nagiging masaya.

Tayo’y manalangin: Panginoon, gawing bago ang aming puso araw-araw, at hayaan Mong Ikaw ang manatiling sentro ng lahat ng aming ginagawa. Amen.

  • Fr. Albert Garong, ssp l  Society of St. Paul