Ebanghelyo: Lucas 6,1-5
Isang Araw ng Pahinga, naglalakad si Hesus sa bukirin ng trigo. Nangyari na hinimay ng kanyang mga alagad ang mga butil sa pagkiskis sa kanilang mga kamay, at kinain ang mga ito. Sinabi ng ilang Pariseo: “Bakit n’yo ginagawa ang ipinagbabawal sa Araw ng Pahinga?” Ngunit nagsalita si Hesus at sinabi niya sa kanila: “Hindi ba ninyo nabasa ang ginawa ni David nang magutom siya at kanyang mga kasama? Pumasok siya sa Bahay ng Diyos, kinuha ang tinapay na inihain para sa Diyos, kinain ito at binigyan pa ang kanyang mga kasamahan, gayong bawal itong kainin ninuman liban sa mga pari.” At sinabi pa niya sa kanila: “Panginoon ng Araw ng Pahinga ang Anak ng Tao.”
Pagninilay:
Mga babaeng walang pahinga! Ito ang madalas na biruan ng mga ina na nagtatrabaho mula Lunes hanggang Sabado. Pagdating naman ng Linggo ay abala pa rin sa paglilinis ng bahay, paglalaba at pamamalantsa ng mga damit. Bakit nga ba may araw ng pamamahinga? Sa wikang Hebreyo tinatawag itong Shabbat, na ang ibig sabihin ay pahinga. Inaalala nito ang ikapitong araw kung kailan nagpahinga ang Diyos matapos ang anim na araw ng paglikha ng sanlibutan. Kaya ang pag-alaala sa Shabbat ay pakikiisa at pagbibigay galang sa Diyos na maylikha ng lahat. Ipinapahinga natin ang ating isip at katawan sa mga alalahanin at gawain natin sa nakalipas na anim na araw. Ito’y upang higit tayong magkaroon ng panahon na makiisa sa Diyos na lumikha sa atin. Kung ganon, ang araw ng pamamahinga ay nakatuon sa pagpapalakas ng ating pakikipag-ugnayan sa Diyos at para sa kabutihan ng ating katawan at kaluluwa. Ito ang isang bagay na nakaligtaan ng mga Pariseo. Higit nilang pinagtuunan ng pansin ang legalidad ng Shabbat kaya sa halip na makabuti ito sa tao ay naging pabigat pa tuloy sa sobrang dami ng bawal gawin sa araw na ito. Kapatid/Kapanalig, ang pagsisimba tuwing Linggo ay nasa ikatlong utos ng Diyos pero huwag sanang obligasyon lang ang maging motibasyon natin sa pagsunod sa utos na ito. Mas masarap isipin at damhin na kaya nilikha ang araw ng pamamahinga dahil mahal tayo ng Diyos at gusto Niya tayong makaisa. Nauunawaan niya ang pangangailangan ng pahinga ng ating isip at katawan.
-Sr. Lourdes Ranara, fsp l Daughters of St. Paul