Ebanghelyo: Lucas 14:25-33
Habang naglalakad ang napakaraming tao na kasama ni Hesus, humarap siya sa kanila at sinabi: “Kung may dumating sa akin na di nagtatakwil sa pag-ibig sa kanyang ama at ina, at asawa at mga anak, at mga kapatid na lalaki at babae, at maging sa kanyang sarili, hindi siya puwedeng maging alagad ko. At hindi puwedeng maging alagad ko ang di nagpapasan ng kanyang krus sa pagsunod sa akin. “At paano kung may magbalak magtayo ng silungan ng bantay sa bukid? Hindi ba’t uupo muna siya at tatantyahin ang gastos para malaman kung may sapat siya para maipatapos iyon? Sapagkat kung mailagay niya ang pundasyon at hindi naman niya iyon maipatapos, pagtatawanan lamang siya ng lahat: ‘Hayan ang nagsimulang magtayo at hindi na maipatapos.’ At paano kung may haring nakikipagharap sa ibang hari? Hindi ba’t uupo muna siya para mag-isip kung kaya niya at ng sampung libong kasama niya na harapin ang dumarating na may dalawampung libo? At kung hindi naman, malayo pa ang isa ay magpapadala na siya ng mga sugo para makipag-areglo. Gayon din sa inyo. Hindi puwedeng maging alagad ko ang di tumatalikod sa lahat sa kanya.”
Pagninilay:
Ano’ng pagmamahal ang ninanais, nararapat, at hinihingi ni Hesus? Ang pagmamahal na kayang magsakripisyo at kalimutan ang sarili.
Una, magsakripisyo. Ang taong nagmamahal, nagsasakripisyo. Ganito ang pagma-mahal ng ating mga magulang. Sabi nga, “isusubo nalang nila ay ibibigay pa sa mga anak.” Maraming mga magulang ang patuloy na nagsasakripisyo upang mabigyan ng maayos na pamumuhay ang kanilang mga anak (na madalas hindi napapansin ng mga anak). Hindi iniinda ang pagod, nagtitiis at nagsasakripisyo sa ibang bansa para sa kanilang mga mahal sa buhay. Ganun din, hindi ganap ang pagsunod kay Hesus kung walang pagsasakripisyo. At hindi ganap ang sakripisyo kung hindi natin papasanin ang pang-araw-araw na krus.
Ikalawa, Kalimutan ang sarili. Kailangan nating ialay at kalimutan ang mga sariling kagustuhan at pagsumikapang sundin lagi ang kalooban ng Diyos. Mahirap unahin ang iba lalo na’t palaging nakatuon sa sarili ang tinuturo ng mundo. Selfie, I-phone, I-messenger, I-want TV. Palaging sarili na nagpapalayo rin sa iba. Pinapaalala ng Ebanghelyo ngayon na ituon ang ating sarili sa halimbawa ni Hesus. Kinalimutan niya ang sarili at palaging inuna ang kapakanan ng iba.
Kapanalig, ito ang hamon upang maging mabuting alagad ng Panginoon: huwag mapagod na magsakripisyo at huwag matakot na kalimutan ang sarili. Hindi lang ito isang beses gagawin kundi paulit-ulit. Sa bawat araw na pagsasakripisyo at paglimot sa sarili dahil sa pagmamahal, sa di kalauna’y masasanay din tayo at mabubuo ang ating pagkatao, ang tunay na Kristiyano. Amen.
- Fr. Mat De Guzman of Our Lady of the most blessed Sacrament Parish