Daughters of Saint Paul

Setyembre 8, 2024 – Linggo Ika-23 Linggo sa Karaniwang

Ebanghelyo:  MARCOS 7,31-37

Umalis si Jesus sa lupain ng Tiro at dumaan sa Sidon papunta sa lawa ng Galilea. Pagdating niya sa lupain ng Decapolis, may mga nagdala sa kanya ng isang bingi na halos hindi makapagsalita. At hiniling nila kay Jesus na ipatong dito ang kamay. Matapos siyang ihiwalay ni Jesus sa mga tao, inilagay niya ang kanyang daliri sa tainga ng tao at dumura at saka hinipo ang kanyang dila. At tumingala siya sa Langit, nagbuntong hininga at sinabi: “Ephphata,” na ang ibig sabihi’y “Buksan.” Nabuksan ang mga tainga ng tao at biglang nakalag ang dila niyang nakabuhol kaya nakapagsalita siya nang tuwid. Tinagubilinan sila ni Jesus na huwag sabihin ito kaninuman ngunit habang pinagbabawalan sila, lalo naman silang nagpapahayag. Labis na namangha ang mga tao at sinabi nila: ”Pinaiigi niya ang lahat: nakaririnig ang bingi at nakapagsasalita ang pipi.”

Pagninilay:

Magandang pagtuunan ng pansin ang konteksto ng ating Mabuting Balita ngayong araw. Mula sa Tyre at Sidon, nagtungo si Hesus sa Decapolis—mga bayan sa teritoryo hindi ng mga taga Israel, ang bayan ng Diyos, kundi ng mga Hentil o mga taong may ibang Diyos o pananampalataya. Bakit ito mahalaga? Dahil pinapakita ng simpleng detalyeng ito na tunay na sinikap ni Hesus na maibahagi ang Mabuting Balita ng kaligtasan sa lahat ng tao. Sa kanyang misyon, hindi lang dinaanan kundi talagang sinuyod ni Hesus ang malalayong lugar at ipinamalas ang pantay na pagkahabag, pagtanggap, at pagkalinga ng Diyos sa kahit sino man, Hudyo man o Hentil, mayaman o mahirap, mabuti o may ibubuti pa.

Ginawa ito ni Hesus, at ito rin ang inaasahan mula sa ating mga tagasunod niya. Pero, nagagawa ba natin ito? Nakakalungkot man pero totoong may mga pagkakataon na tayo pang mga taga-simbahan ang nagiging hadlang para makalapit ang iba kay Hesus, lalo na sa Eukaristiya. Madalas nauuna ang pangmamata sa pag-unawa, ang paninita bago ang pagkalinga.

Nawa’y tularan natin ang mga taga-Decapolis na nagdala ng kanilang kababayang pipi’t bingi kay Hesus. Bilang simbahan, ang pinakamahalagang tungkulin natin ay ang ilapit ang isang tao sa ating Panginoon. Na tulungan silang magkaroon ng tunay na encounter na pagsisimulan ng isang relasyon sa Diyos—at hayaang ang ugnayang ito na baguhin at hilumin sila. Minsan kasi baliktad: gusto nating baguhin muna ang isang tao bago siya palapitin kay Kristo. Bawal ‘yan! ‘Wag ganito! Ayusin mo muna sarili mo! Mga kapatid, ang nais ni Hesus ay mailapit ang lahat sa kanya… Sikapin nating maging tulay tayo para sa iba, hindi mga balakid. Amen.