Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Setyembre 8, 2025 – Lunes, Kapistahan ng Pagsilang ng Mahal na Birheng Maria

Ebanghelyo: Mt 1:1-16, 18-23

Si Jacob ang ama ni Jose ang asawa ni Maria na siyang pinagmulan ni Hesus na tinatawag na Kristo.  Ito ang pangyayaring napapaloob sa kapanganakan ni Jesucristo.  Ipinagkasundo kay Jose ang kanyang inang si Maria pero bago sila nagsama bilang mag-asawa nagdadalantao na siya gawa ng Espiritu Santo. Kaya binalak ni Jose na hiwalayan nang lihim ang kanyang asawa. Matuwid nga siya at ayaw niya itong mapahiya. Habang iniisip-isip niya ito, napakita sa kanya sa panaginip ang Anghel ng Panginoon at sinabi: “Jose, anak ni David, huwag kang matakot na tanggapin si Maria bilang iyong asawa. Gawa ng Espiritu Santo kaya siya naglihi, at manganganak siya ng isang sanggol na lalaki, na pangangalanan mong Jesus sapagkat siya ang magliligtas sa kanyang sambayanan mula sa kanilang mga kasalanan.” Nangyari ang lahat ng ito para matupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng Propeta: “Maglilihi ang birhen at magsisilang ng isang sanggol na lalaki at tatawagin nila siyang Emmanuel na ibig sabihi’y ‘Nasa-atin-ang-Diyos.’”

Pagninilay:

Tuwing ika-walo ng Disyembre, ipinagdiriwang ng mga Katoliko ang kalinis-linisang paglilihi kay Maria. Sa pagbilang natin ng siyam na buwan matapos siyang ipaglihi, tinutunton natin ang araw na ito, ika-walo ng Setyembre bilang kaarawan ng ating Inang Maria. Ipinagbubunyi natin ang araw ng kanyang kapanganakan sapagkat alam natin na ito ang simula ng panibago at magandang yugto sa kasaysayan ng buhay ng buong sangnilikha. Pinili at hinirang si Maria ng Diyos para maging Ina ni Jesus na Manunubos. Para makarating ang Tagapagligtas sa daigdig, kailangan niya ng isang ina na magluluwal sa kanya.

Sa pagtunton natin sa talaan ng mga angkan ni Jesus, o yung tinatawag nating genealogy, makikita na si Maria ay nagmula sa lahi ni Abraham. Sa sulat ni San Pablo sa mga taga-Roma, ipinabatid niya: “Alam nating sa lahat ng bagay, ang Diyos ay gumagawang kasama ang mga nagmamahal sa kanya, ang mga tinawag ayon sa kanyang panukala, sa kanilang ikabubuti.”

Dalawang petsa ang higit na mahalaga para sa buhay ninuman – ang araw nang ika’y ipanganak at ang araw na maunawaan mo kung bakit ka isinilang. Maliwanag ang panukala ng Diyos para kay Maria. Pinili siya para maging Ina ni Jesus, at ito’y para rin sa ikabubuti ni Maria.

Masalimuot man ang kasaysayan ng angkan ni Abraham, matutukoy natin ang mga pangyayari kung saan naging maliwanag ang pag-iingat ng Diyos sa kanyang bayan. Sa paghahari ni David, halimbawa, tinamasa ng bayan ng Diyos ang kasaganaan at abut-abot na mga pagpapala. Kahit dumanas ang mga Hebreo ng pagkakatapon sa Babilonia, siya pa rin ang gumawa ng paraan para makabalik sila sa Israel.

Malaking papel ang ginampanan ni Maria bilang Ina ng Manunubos. Bagama’t mula siya sa Nazaret, isang maliit na bayan, at si Maria nama’y isang simpleng mamamayan doon, nagpasya ang Panginoon na ialok kay Maria ang pagiging Ina ni Jesus. Iginalang ng Diyos ang kalayaan ni Maria at hinintay siyang magdesisyon.

Nang ipagkatiwala ni Maria ang kanyang buong buhay sa plano ng Diyos, kalakip nito ang kanyang pag-ibig sa Diyos na alam niyang mag-iingat at magtataguyod sa kanya lingid man sa kanya ang mga detalye ng lahat ng sasapitin niya sa buhay.

Panginoon, pahalagahan nawa po namin ang buhay na kaloob mo, at araw-araw naming hanapin at sundan ang bawat magandang panukala mo para sa aming buhay. Amen.

  • Fr. Paul Marquez, ssp l Society of St Paul