Lev 19:1-2, 11-18 – Slm 19 – Mt 25:31-46
Mt 25:31-46
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Pagdating ng Anak ng Tao sa kanyang Kaluwalhatian kasama ang lahat niyang mga anghel, uupo siya sa maluwalhati niyang trono. Dadalhin sa harap niya ang lahat ng bansa at parang isang pastol na inihihiwalay niya ang mga tupa sa mga kambing, gayundin niya paghihiwa-hiwalayin ang mga tao. Ilalagay niya ang mga tupa sa kanan niya at ang mga kambing sa kaliwa. Sasabihin ng Hari sa mga nasa kanan niya: 'Halikayo, pinagpala ng aking Ama! Manahin ninyo ang kahariang inihanda para sa inyo mula pa sa simula ng daigdaig. Sapagkat nagutomako at inyong pinakain, nauhaw ako at inyong pinainom. Naging dayuhan ako at pinatuloy n'yo ako. Nang ako'y hubad, dinamitan nyo ako; nang may sakit ako, binisita n'yo ako. Nang ako'y nasa bilangguan, dinalaw n'yo ako.'
At itatanong sa kanya ng mabubuti: 'Panginoon, kailan ka namin nakitang nagugutom at pinakain, nauuhaw at pinainom, isang dayuhan at pinatuloy, at walang suot at dinamitan? Kailan ka namin nakitang maysakit o nasa bilangguan at nilapitan? Sasagutin sila ng Hari: 'Talagang sinasabi ko sa inyo: anuman ang gawin ninyo sa isa sa maliliit na ito na mga kapatid ko, sa akin ninyo ginawa.'
Pagkatapos ay sasabihin naman niya sa nga nasa kaliwa niya: 'Mga isinumpa, lumayas kayo sa harap ko papunta sa apoy na walang katapusan na inihanda para sa diyablo at sa mga anghel nito! Sapagkat nagutom ako at di n'yo ako binigyan ng makakain, nauhaw at di n'yo pinainom, naging dayuhan ako at di n'yo ako binigyan ng makakain, nauhaw at di n'yo pinainom, naging dayuhan ako at di n'yo pinatuloy, maysakit at nasa bilangguan at di n'yo binisita.'
Kaya itatanong din nila: “Panginoon, kailan ka namin nakitang nagugutom, nauuhaw, dayuhan, hubad, maysakit o nakabilanggo, at di ka namin pinaglingkuran?' Sasagutin sila ng Hari: 'Talagang sinasabi ko sa inyo: anuman ang di ninyo ginawa sa isa sa maliliit na ito, hindi ninyo ginawa sa akin.'
At pupunta ang mga ito sa walang hanggang parusa, ngunit sa walang hanggang buhay naman ang mga makatarungan.”
PAGNINILAY
Talinhaga ng paghuhukom ang popular na pamagat ng Ebanghelyong narinig natin. Sa pamamagitan ng talinghagang ito nais ipaunawa sa atin ni Jesus na hindi natin kailangang gumawa ng malaking sakripisyo o ng mga dakilang gawain para maligtas. Dahil ang bawat araw sa ating buhay maaaring gamitin ng Panginoon sa Kanyang gawaing pagliligtas. Sa pag-aabot natin ng pagkain sa nagugutom, sa pagbibigay ng tubig sa nauuhaw at sa pagkalinga sa kapwang nangangailangan ng pagmamalasakit – nagiging daluyan tayo ng biyaya at pagpapala ng Diyos sa ating kapwa. Mga kapatid, hindi na tayo kailangang lumayo pa para hanapin kung sino sa ating mga kapwa ang nagugutom, nauuhaw o naghahanap ng pagmamahal. Dahil sa ating tahanan mismo, sa pamayanan, sa komunidad – naroon sila at naghihintay sa atin.