Daughters of Saint Paul

Marso 08, 2017 MIYERKULES sa Unang Linggo ng Kuwaresma / San Juan De Dios

 

Jon 3:1-10 – Slm 51 – Lk 11:29-32 

Lk 11:29-32

Nang dumadagsa na ang mga tao, nagsimulang magsalita si Jesus:  “Masamang lahi ang lahing ito; humihingi ito ng palatandaan pero walang ibang palatandaang ibibigay dito kundi ang palatandaan ni Jonas. At kung paanong naging palatandaan si Jonas para sa mga taga-Ninive, gayundin naman ang Anak ng Tao para sa mga tao sa kasalukuyan.

Sa paghuhukom, babangon ang Reyna ng Timog kasama ang mga lalaki ng lahing ito at hahatulan sila. Sapagkat dumating siya mula sa kabilang dulo ng mundo para masaksihan ang karunungan ni Solomon; at dito'y may mas dakila pa kay Solomon. Sa paghuhukom, babangon ang mga lalaking taga- Ninive kasama ng salinlahing ito at hahatulan nila ito dahil nagbalik-loob sila sa pangangaral ni Jonas; at dito'y may mas dakila pa kay Jonas.”

PAGNINILAY

Hindi madali sa tao ang maniwala.  Para sa marami, maniniwala lamang sila kung makakakita sila ng kung anong kababalaghan na magpapatunay sa dapat nilang paniwalaan.  Mas madali para sa atin ang magduda kaysa maniwala kaya madalas din nating sinasabi, “To see is to believe.”  Pero, parang mas tama ang kabaligtaran nitong “To believe is to see.”  Maniwala ka at tiyak na makakakita ka ng mas higit pa.  Ganoon din ang mga tao sa panahon ni Jesus. Katulad natin ngayon, hinahanapan nila si Jesus ng himala o kababalaghang magpapatunay na siya nga ang hinihintay nilang Tagapagligtas.  Hindi pa ba sapat na patunay ang pag-alay Niya ng buhay sa Krus, alang-alang sa’ting kaligtasan?  Hindi pa ba sapat na tanda na magising tayo sa bawat araw na puspos ng pagkalinga at pagmamahal ng Diyos?  Bakit kung sino-sino pang manghuhula ang kinukonsulta natin?  Bakit nagpapaniwala tayo sa sinasabi ng horoscope, ng punsoy, ng ocultismo at iba pang katulad nito?  Bakit pinagdududahan pa natin ang pananatili ng Diyos sa’ting buhay?  Mga kapatid, si Jesus mismo ang tanda.  Siya mismo ang patunay ng walang kundisyong pahayag ng pagmamahal at malasakit ng Diyos sa tao.  Kay Jesus naging tao ang Diyos ng pag-ibig.  At ang mga naniniwala lamang ang may mata para makita ang himalang ito.  Manalangin tayo.  Panginoon, turuan Mo po akong makita ka lagi sa mga karaniwan at di pangkaraniwang kaganapan sa’king buhay.  Dagdagan Mo po ang aking pananampalataya ng huwag na akong maghanap pa ng anumang tanda ng Iyong pagmamahal sa’kin.  Amen.