Daughters of Saint Paul

Marso 1, 2017 MIYERKULES Miyerkules ng Abo / San Rosendo

 

Jl 2:12-18 – Slm 51 – 2 Cor 5:20-6:2 – Mt 6:1-6, 16-18

Mt 6:1-6, 16-18

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad:  “Mag-ingat na hindi maging pakitantao lamang ang inyong mabubuting gawa. Kung ganito ang gagawin n'yo,  wala na kayong gantimpala sa inyong Amang nasa Langit. Kaya pag nagbibigay ka ng limos, huwag pahipan ang trumpeta sa unahan gaya ng ginagawa ng mga mapagkunwari sa sinagoga at sa mga daan; gusto nilang mapuri ng mga tao. Sinisiguro ko sa inyo na nagantimpalaan na sila ng husto.

“Kaya kung ikaw naman ang magbibigay ng limos, huwag ipaalam sa iyong kaliwang kamay ang ginagawa ng iyong kanang kamay; at mananatiling lihim ang iyong paglilimos at iyong Amang nakakakita sa nga lihim ang siyang gagantimpala sa iyo.

“Kung mananalangin kayo, huwag n'yong tularan ang mga mapagkunwari. Gustung-gusto nilang tumayo sa mga sinagoga o sa mga daan para manalangin nang nakikita ng marami. Sinisiguro ko sa inyo na nagantimpalaan na sila nang husto. At kung ikaw naman ang mananalangin, pumasok sa iyong silid, isara ang pinto at manalangin sa iyong Ama na kasama mo nang lihim; at ang iyong Ama na nakakakita sa ipinaglilihim ang gagantimpala sa iyo.

Pag mag-aayuno kayo, huwag magpakita ng lungkot sa mukha gaya ng mga mapagkunwari. Nagpapakita sila ng lungkot sa mukha para makita ng tao na nag-aayuno sila. Talagang sinasabi ko sa inyo na nagantipalaan na sila nang husto. Kung ikaw naman ang mag-aayuno, maghilamos at ayusin ang sarili sapagkat hindi ka nag-aayuno na pakitantao lamang kundi para sa iyong Amang nakakakita sa lahat. At gagantimpalaan ka ng iyong Amang nakakakita sa lahat ng lihim.”

PAGNINILAY

Ang pagninilay sa araw na ito, ibinahagi sa atin ni Bro. Buen Andrew Cruz ng Society of St. Paul.   Ang Kuwaresma, panahon ng paghahanda para sa ating paggunita sa mga mahal na araw. Tatlong mahahalagang haligi ang iminumungkahi sa atin ng Ebanghelyo upang maihanda ang ating sarili sa panahong ito ng kuwaresma:   Una, ang paggawa ng mabuti o pagbibigay limos.  Ang tunay na nagbibigay ng bukaspalad, yaong mga taong ‘di umaasa ng kapalit; ang matuwid na naglilingkod, hindi naghihintay ng katanyagan o papuri dahil sila’y nagbigay ng limos o tulong.  Ikalawa, ang pananalangin.  Ang taong  taimtim na nagdarasal, hindi kailangang ipabatid sa lahat na siya’y nananalangin.  Mangyaring gawin ito ng sikreto o lihim upang ang Ama lamang sa langit ang nakakikita nito.  At ang ikatlo at panghuli, ang pag-aayuno.  Inaanyayahan tayo ng Panginoon, lalo na sa panahong ito ng Kuwaresma, na mag-ayuno, manalangin at magbigay sa iba.  Maging batayan nawa natin, hindi ang kasikatan o pagkilala, bagkus, ang tunay na pagkalinga at pagmamahal sa Diyos at Kapwa, na bumubukal sa ating malalim at dalisay na pananampalataya.