Daughters of Saint Paul

MARSO 1, 2018 HUWEBES SA IKALAWANG LINGGO NG KUWARESMA

LUCAS 16:19-31

Sinabi ni Jesus sa mga Pariseo: “May isang mayaman na nakabihis ng magarang damit at pinong linen at parang piyeta ang kanyang buhay sa araw-araw. Nakahandusay naman sa may pintuan niya ang isang dukhang nagngangalang Lazaro. Tadtad siya ng mga sugat at gusto sana niyang kainin ang mumong nahuhulog sa hapag ng mayaman; sa halip ay mga aso ang lumalapit sa kanya at hinihimuran ang kanyang mga sugat. At namatay ang dukha at dinala siya ng mga anghel sa piling ni Abraham. Namatay rin naman ang mayaman at inilibing. Nang nasa impiyerno na siya…sumigaw siya: 'Amang Abraham, maawa ka sa akin at utusan mo  naman si Lazaro na isawsaw sa tubig ang dulo ng kanyang daliri para paginhawain ang aking dila dahil lubha akong naghihirap sa lagablab na ito.'        “Sumagot si Abraham: 'Anak, alalahanin mong tinanggap mo na sa buhay mo ang mabuti sa iyo at kay Lazaro naman ang masasama. Kaya siya ngayon ang nasa ginhawa ikaw ang nagdurusa. At isa pa'y malawak na kabundukang hindi matatawid ang itinakda sa pagitan natin. Kaya hindi makatatawid…ang mula riyan papunta rito.' “Sumagot ang mayaman: 'Kaya ipinakikiusap ko sa iyo, Ama, na papuntahin mo si Lazaro  sa bahay ng aking ama, kung saan naroon ang lima kong kapatid para babalaan sila upang hindi sila mapunta sa lugar na ito ng pagdurusa.' Sumagot si Abraham: 'Nasa kanila sa Moises at ang Mga   Propeta, makinig sila sa mga ito.' Sinabi niya: 'Hindi gayon, Amang Abraham; kung isa sa  mga patay ang pupunta sa kanila, magsisisi sila.' “Sinabi ni Abraham: 'Kung hindi nila pakikinggan si Moises at ang Mga Propeta, bumangon man ang isa sa mga patay ay hindi pa rin sila maniniwala.'”   

 

PAGNINILAY:

Death is the great equalizer.  Ito ang matunog na mensaheng ipinahihiwatig ng Ebanghelyong ating narinig! Mayaman man tayo o mahirap, may katapusan ang buhay.  At sa sandaling makikipagharap tayo sa Diyos sa araw ng paghuhukom, susulitin tayo kung paano natin ginugol ang maikling buhay na pinahiram Niya sa atin.  Namuhay ba tayo sa pagmamahal sa Diyos at sa ating kapwa? O namuhay tayo para lamang sa ating sarili?  Sa Ebanghelyo ngayon, pinarusahan ang mayaman dahil sa kanyang pagbalewala sa kalunos-lunos na kalagayan ni Lazaro.  Malamang naging ordinaryong tanawin na si Lazaro sa kanyang paningin, at hindi na naantig ang kanyang damdamin para tumulong.  Mga kapanalig, suriin naman natin ang ating sarili… Sa tuwing nakakakita tayo ng pulubi o batang gusgusin na kumakalabit sa atin para humingi ng tulong, ano ang reaksiyon natin?  Nahahabag ba tayo sa kanila? at nag-aabot ng tulong sa abot ng ating makakaya?  O naiinis tayo sa kanilang pang-iistorbo, at dinededma sila.  Dahil iniisip natin na baka miyembro sila ng sindikato, o di kaya, tamad lang sila kaya sila mahirap.  Maaalala nating sinabi ng Panginoon, na anuman ang ginawa ninyo sa isa sa maliliit na ito na mga kapatid ko, sa akin ninyo ginawa.”  Kaya wala sa atin ang paghuhusga sa kanilang tunay na motibasyon. Ang mahalaga tumulong tayo nang taos-puso!  Abutan natin sila ng pagkain o di kaya ng tubig na maiinom.  At makasisiguro tayong ibayong kapayapaan at kasiyahan ang mararamdaman natin sa ginawa nating pagtulong.