Daughters of Saint Paul

MARSO 1, 2020 – UNANG LINGGO NG KUWARESMA (TAON A)

EBANGHELYO: Mateo 4:1-11

Dinala ng Espiritu si Jesus sa disyerto upang tuksuhin siya ng diyablo. Pagkatapos ng apatnapung araw at apatnapung gabing di kumakain, nagutom si Jesus. Kaya lumapit sa kanya ang demonyo at sinabi: “Kung ikaw nga ang Anak ng Diyos, utusan mo ang mga batong ito na maging tinapay.” Ngunit sumagot si Jesus: “Sinasabi ng Kasulatan: ‘Hindi sa tinapay lamang nabubuhay ang tao kung di sa bawat salitang namumutawi sa bibig ng Diyos.’” Dinala naman siya ng diyablo sa Banal na Lungsod, inilagay siya sa nakausling pader ng Templo, at sinabi: “Kung ikaw ang Anak ng Diyos, tumalon ka paibaba pagkat sinasabi ng Kasulatan : ‘Uutusan ng Diyos ang kanyang mga anghel para sa iyo. Bubuhatin ka nila upang hindi matisod ang iyong paa sa bato.’” Sumagot si Jesus: “Ngunit sinasabi rin ng Kasulatan: ‘Huwag mong hamunin ang Panginoon mong Diyos.’” At agad na dinala ng diyablo si Jesus sa isang napakataas na bundok at ipinakita sa kanya ang lahat ng bansa ng daigdig sampu ng kayamanan at kadakilaan ng mga ito. At sinabi sa kanya: “Ibibigay ko sa iyo ang lahat ng ito kung luluhod ka at sasamba sa akin.” Kaya sumagot si Jesus: “Lumayo ka, Satanas! Sinasabi nga ng Kasulatan: ‘Sambahin mo ang Panginoon mong Diyos; siya lamang ang iyong paglilingkuran.’” Kaya iniwan siya ng diyablo at lumapit naman ang mga anghel at naglingkod sa kanya.

PAGNINILAY:

Tatlong mahahalagang ang aral ang mapupulot natin sa Ebanghelyo kung paano hinarap ng Panginoong Jesus ang panunukso ng diyablo. Una, pagdarasal at pag-aayuno.  Ang pinag-anib na ayuno at dasal ang pinakamabisang panlaban natin sa tukso.  Ikalawa, Salita ng Diyos. Napakahalagang maging maalam tayo sa Salita ng Diyos – nagbabasa, nagninilay at nagdarasal gamit ang Salita ng Diyos upang tumimo ito sa ating puso. At sa harap ng tukso, ang Salita ng Diyos ang gagabay sa atin na magdesisyon ayon sa kalooban ng Diyos. Ikatlo, katapangan at tiyagang sumalungat sa mga makamundong pinahahalagahan na naglalayo sa atin sa Diyos – katulad ng bisyo at sobrang pagkagahaman sa kapangyarihan, yaman at tagumpay na bumubulag sa atin sa tunay na yaman na dapat nating pagsumikapan at pahalagahan habang tayo’y nabubuhay – Pag-ibig sa Diyos, sa pamilya at sa kapwa. Ngayong panahon ng Kuwaresma hilingin natin ang paggabay ng Banal na Espiritu na maging makabuluhan at mabunga ang apatnapung araw na paglalakbay natin tungo sa pagbabagong buhay.  Amen.