Daughters of Saint Paul

Marso 1, 2025 – Sabado ng Ika-7 Linggo sa Karaniwang Panahon (I) | Paggunita sa Mahal na Birheng Maria tuwing Sabado

Ebanghelyo: MARCOS 10,13-16

May nagdala kay Hesus ng mga bata para hipuin niya sila. Ngunit pinagalitan ng mga alagad ang mga taong may dala sa kanila. At pagkakita ni Hesus, nagalit siya at sinabi sa kanila: “Pabayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata. Huwag n’yo silang pigilan. Sa mga tulad nga nila ang Kaharian ng Diyos. Talagang sinasabi ko sa inyo: hindi papasok sa Kaharian ng Diyos ang di tumatanggap dito gaya ng isang maliit na bata.” At pagkakalong sa kanila ni Hesus, ipinatong niya s kanila ang kanyang mga kamay para basbasan sila.

Pagninilay:

Minsan, nagpunta kami sa isang shelter ng mga kabataang na-rescue sa human trafficking. May isang dalawang taong gulang na lumapit sa akin at nagpakarga. Kahit hindi pa siya nakapagsasalita, buong lambing niya akong niyakap at idinantay ang kanyang ulo sa aking balikat. Nalaman ko na isa siya sa mga na-rescue. Ibinenta raw ang bata ng mga magulang at ginamit ito sa online pornography. Na-shock ako! Hindi ako makapaniwala na kahit inosenteng sanggol ay ginagamit sa kahalayan at kasamaan dito sa ating bayan. Napaluha na lamang ako at mahigpit na niyakap ang bata. Libu-libo silang nagiging biktima nito at hindi lahat ay nare-rescue.

Kapanalig, narinig nating nagalit si Jesus sa ebanghelyo ngayon dahil pinagbawalang lumapit ang mga bata sa kanya ng mga alagad. Sa palagay mo, magagalit ba si Jesus sa kalapastangang ginagawa sa ating mga kabataan? Paano sila makakalapit kay Jesus kung inaalipin sila at hindi nila siya nakikilala? Sabi nga sa mga Kawikaan: “Ituro sa bata ang daang dapat niya lakaran, at hanggang sa paglaki’y di niya ito malilimutan.”

Kapanalig, may bata bang inihabilin at ipinagkatiwala sa iyo ang Panginoon? Kaya mo bang tumulong para maitaguyod ang kinabukasan ng isang bata? O kailangan mo bang magalit at gumawa ng hakbang para ma-rescue ang mas marami pang mga batang biktima ng human trafficking?

Sa susunod na Miyerkules, sisimulan na ang panahon ng Kuwaresma sa pagpapahid ng abo sa ating noo. Gawin nating isa sa ating panata ang humingi ng kapatawaran sa pang-aalipin ng human trafficking, at ang ating indifference o pagwawalang-bahala. Ingatan, alagaan at itaguyod natin ang mga bata at kabataan sapagkat sa mga tulad nila naghahari ang Diyos. Ikaw, Kapanalig, ano’ng konkretong hakbang ang magagawa mo ngayon?