Daughters of Saint Paul

Marso 10, 2017 BIYERNES sa Unang Linggo ng Kuwaresma / San Domingo de Savio

 

Ez 18:21-28 – Slm 130 – Matthew 5:20-26

Matthew 5:20-26

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad:  “Sinasabi ko sa inyo na kung hindi mas ganap ang inyong kabanalan kaysa sa mga guro ng Batas at mga Pariseo, hinding-hindi kayo makapapasok sa Kahariaan ng Langit.

            “Narinig na ninyo na sinabi sa inyong mga ninuno: 'Huwag kang papatay; dapat managot ang pumatay.' Sinasabi ko naman sa inyo: Mananagot ang sinumang nagagalit sa kanyang kapatid. Mananagot sa Sanggunian ang sinumang uminsulto sa kanyang kapatid. Nararapat lamang na itapon sa apoy ng impiyerno ang sinumang manghiya sa kanyang kapatid. Kaya sa paglalagay mo sa altar ng iyong hain at naalaala mong may reklamo sa iyo ang kapatid mo, iwan mo muna ang iyong hain sa harap ng altar at puntahan mo ang iyong kapatid para makipagkasundo sa kanya. At saka ka bumalik at ialay ang iyong hain sa Diyos.

           “Makipagkasundo na sa iyong kaaway habang papunta pa kayo sa hukuman, at baka ipaubaya ka niya sa hukom na magpapaubaya naman sa iyo sa pulisya na magkukulong sa iyo. Talagang sinasabi ko sa iyo: hindi ka makalalabas hangga't hindi mo nababayaran ang kahuli-hulihang sentimo.” 

PAGNINILAY

Mga kapatid, walang ibang gusto ang mga magulang para sa kanilang mga anak kundi ang magkasundo sila at magmahalan bilang magkakapatid.  Ito rin ang niloloob ng Amang Diyos para sa atin na Kanyang mga anak.  Hangad Niyang mamuhay tayo sa pagmamahal at ganap na pagpapatawaran.  Higit pa sa donasyon na itinutulong natin sa simbahan, higit pa sa araw-araw nating pagsisimba, pagdarasal, pagnonobena at pagrorosaryo – ang magpatawad sa taong nagkasala sa atin at humingi ng tawad sa taong nagawan natin ng kasalanan – ang sakripisyong mas kalugod-lugod sa Diyos.  Ito ang sukatan ng tunay na kabanalan!  Marahil sasabihin nyo, napakahirap naman ng ipinagagawa sa atin ng Diyos.  Dahil sa ating karanasan, kapag labis tayong nasaktan lalong-lalo na ng taong mahal natin, gustong-gusto nating makaganti.  Gustong-gusto nating iparanas sa kanya ang sakit na dinaranas natin.  Minsan pa nga sa sobrang galit natin naghahangad tayo na may mangyaring masama sa taong kaaway natin.  Mga kapatid, tunay na hindi natin kayang magpatawad at humingi ng tawad kung aasa lamang tayo sa’ting sariling kakayahan.  Kailangan natin ang tulong at awa ng Diyos para magawa natin ito.  Manalangin tayo.  Panginoon, kasihan Mo po ako ng Iyong Banal na Espiritu ng matuto akong magpatawad at humingi ng tawad sa mga taong nagkasala sa akin.  Pawiin Mo po ang poot at galit na lumalason pa sa aking puso.  Amen.