LUCAS 18:9-14
Sinabi ni Jesus ang talinhagang ito tungkol sa ilang taong kumbinsido na mabuti sila at minamata naman ang iba: “Dalawang tao ang umakyat sa Templo para manalangin: Pariseo ang isa at publikano naman ang isa pa. Nakatayong nananalanging mag-isa ang Pariseo. Sinabi niya: ‘O Diyos, salamat at hindi ako gaya ng ibang mga tao—mga magnanakaw, mandaraya, nakikiapid, o gaya ng kolektor ng buwis na iyan. Dalawang beses akong nag-aayuno isang linggo, nagbibigay ako ng ikapu sa lahat kong ari-arian.’ Nasa likuran naman ang kolektor ng buwis at hindi man lang makatingala sa Langit. Dinadagukan niya ang dibdib sa pagsasabing ‘O Diyos, kaawaan mo ako na isang makasalanan.’ Sinasabi ko sa inyo na ito ang umuwing nasa grasya ng Diyos ngunit hindi ang isa. Sapagkat ibababa ang lahat ng nagpapakataas at itataas naman ang nagpapakababa.”
PAGNINILAY:
Mga kapanalig, inaanyayahan tayo ng Ebanghelyo ngayong suriin ang paraan ng ating pagdarasal at pagsamba sa Diyos. Katulad ba tayo ng Pariseo na kumbinsido sa sariling kabutihan; nilalahad sa Diyos ang mga nagawang pagtulong sa kapwa? O katulad ng publikanong halos di makatingala sa Diyos sa panalangin dahil sa sobrang hiya at pagsisisi sa nagawang kasalanan? Makikita natin sa dulo ng talinhaga na mas kinalugdan ng Diyos ang paraan ng pagsamba ng publikano na mapagpakumbaba, kaysa sa Pariseong ubod ng yabang at masyadong bilib sa sariling kabutihan. Sa panahon natin ngayon maaari nating maihalintulad ang pagdarasal ng Pariseo at Publikano sa paraan ng pagsamba ng iba’t ibang sekta ng relihiyon. May mga sekta ng relihiyong umaangking sila lamang ang ligtas, ang nasa tamang daan, ang tunay na pinagpapala ng Diyos. Maihahalintulad natin sila sa mga Pariseo na kumbinsido sa sariling kabutihan at kabanalan, habang minamata at sinisiraan naman ang ibang pananampalataya. Sa halip na magturo ng Salita ng Diyos at turuan ang mga tao sa daan ng pagpapakabuti, puro paninira sa ibang sekta ng relihiyon ang nilalaman ng turo. Samantalang ang pagdarasal ng publikano, maihahalintulad natin sa mga relihiyong kumikilala na tayo’y mga makasalanang tao, umaasa sa tulong at habag Diyos at nagsusumikap magpakabuti. Manalangin tayo. Panginoon, turuan Mo po akong magdasal katulad ng publikano, mapagpakumbaba at labis na pinagsisisihan ang kasalanan. Alisin Mo po sa akin ang ugaling mapanhusga, sa kahinaan ng aking kapwa. Matanto ko nawa lagi na ako’y makasalanan din, na nagsusumikap magpakabuti at sumunod Sa’yong banal na kalooban. Amen.