EBANGHELYO: Mateo 23:1-12
Sinabi ni Jesus sa mga tao at sa kanyang mga alagad: “Ang mga guro ng Batas at mga Pariseo ang umupo sa puwesto ni Moises. Pakinggan at gawin ang lahat nilang sinasabi subalit huwag silang pamarisan sapagkat nagsasalita sila pero hindi naman ginagawa. Naghahanda sila ng mabibigat na pasanin at ipinapatong sa mga balikat ng mga tao. Ngunit hindi nila ikinikilos ni isang daliri para galawin ang mga iyon. Pakitangtao lamang ang lahat nilang ginagawa; dahil dito, malalapad na laso nang Kasulatan ang gusto nila para sa kanilang noo, at mahahabang palawit sa kanilang balabal. Gusto nilang mabigyan ng pangunahing lugar o upuan sa mga piging at sa sinagoga. Ikinatutuwa rin nilang mabati sa mga liwasan at matawag na guro ng mga tao. “Huwag kayong patawag na ‘guro’ sapagkat iisa lamang ang Guro ninyo at magkakapatid kayong lahat. Huwag din ninyong tawaging ‘ama’ ang sinuman sa mundo sapagkat iisa lamang ang inyong Ama, siya na nasa Langit. Huwag din kayong patawag na ‘gabay’ sapagkat iisa lamang ang inyong Patnubay, si Kristo. Maging alipin ninyo ang pinakadakila sa inyo. Sapagkat ibababa ang magpapakataas at itataas ang napapakababa.”
PAGNINILAY:
(Mula sa panulat ni Sem. Keneth Gadian, 1styear aspirant ng Society of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo.) Mga kapatid, ano ang iyong paboritong quotes? Marahil lahat tayo ay may favorite author o motivational speaker na kinapulutan natin ng mga aral na talaga namang bumago sa ating buhay. Ang ating Panginoong Hesus din ay nagturo sa atin ng napakaraming mga mahahalagang aral at mga gabay kung papaano mamuhay bilang mga Anak ng Diyos. Pero, higit sa kanyang mga salita at mga pangaral, higit sa kanyang mga kuwento at mga payo, ipinahayag niya sa atin ang Mabuting Balita sa pamamagitan ng kanyang pag-aalay ng sarili at sa kanyang pagpapakababang-loob. Diyos Siya na nagkatawang tao, ipinanganak sa sabsaban at ipinako sa krus dahil sa kanyang dakilang pagmamahal sa atin. Ito nawa ang magpaalala sa atin na ang pagpapahayag ng Salita ng Diyos – ang tunay na pag-ibig — hindi lamang natatapos sa pagbuka ng ating mga bibig kundi nakikita sa ating pamumuhay nang may pagpapakumbaba at pagmamalasakit sa kapwa.