Pagbati ng kapayapaan sa inyo, mga kapanalig! Huwebes na ng Unang Linggo ng Kuwaresma! Panibagong hakbang sa pagsulong natin para sa pag-asam ng Muling Pagkabuhay ng Panginoon. Paano kang humingi, humanap, o kumatok? Mga pagkilos na may inaasam na makamit, di ba? Ito ang inyong kapanalig, Sr. Gemma Ria ng Daughters of St. Paul ,salubungin natin ang Mabuting Balita ayon kay San Mateo sa ikapitong kabanata , talata pito hanggang labing dalawa.
EBANGHELYO: MATEO 7: 7-12
Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Humingi at kayo’y bibigyan; maghanap at matatagpuan ninyo; kumatok at bubuksan ang pinto para sa inyo. Talaga ngang tumatanggap ang humihingi, nakakakita ang naghahanap, at pagbubuksan ang kumakatok. Sino sa inyo ang magbibigay ng bato sa kanyang anak kung tinapay ang hinihingi nito? Sino ang magbibigay ng ahas kung isda ang hinihingi nito? Kahit masama kayo, marunong kayong magbigay ng mabuting bagay sa inyong mga anak. Gaano pa kaya ang inyong Amang nasa Langit? Magbibigay siya ng mabubuting bagay sa mga humihingi sa kanya. Kaya gawin ninyo sa iba ang gusto n’yong gawin sa inyo, ito ang nasa Batas at Mga Propeta.”
PAGNINILAY
Muling binigyang diin sa Mabuting Balita sa atin ngayon ang kahalagahan ng panalangin, at ang pagiging masigasig sa pananalangin. Totoong nalalaman na ng Diyos ang ating sasabihin bago pa man tayo magdasal – pero, ikinalulugod pa rin Niyang marinig ang ating taos-pusong pagsamo. Sa pamamagitan ng palagiang pagdulog natin sa Diyos sa panalangin, lumalalim ang ating relasyon sa Kanya. Nalalaman natin ang Kanyang kalooban sa tuwing pinagninilayan natin ang Kanyang Salita, at higit sa lahat, tumitibay ang ating pananampalataya para makayanan ang mga dinaranas na pagsubok sa buhay. Sa paglapit natin sa Diyos sa panalangin, huwag puro tayo ang nagsasalita. Maglaan din tayo ng sandali para makinig sa Kanyang sasabihin. Hayaan din natin Siyang mangusap sa kaibuturan ng ating puso. Mga kapanalig, totoong mapagkalinga at mapagmahal ang ating Diyos. Higit pa ito sa pagmamahal at pagpapakasakit ng isang ina o ama ng pamilya. Ang isang ina, mula sa pagdadalantao hanggang sa paglaki ng kanilang anak, buhay niya mismo ang kanyang inilalaan para sa kanyang mga anak. Ganun din ang ama ng tahanan na habambuhay na nagtatrabaho at nagpapakapagod, maitaguyod lang ang pangangailangan ng pamilya. Kusang-loob nilang ginagawa ang lahat ng ito. Hindi bilang puhunan sa inaasahan nilang gantimpalang ibibigay ng kanilang mga anak sa kanilang pagtanda, kundi dala ng kanilang pagmamahal. Kaya ginamit ni Jesus, ang larawan ng isang ama, na halimbawa upang ituro sa atin ang pagiging Ama ng Diyos. Diyos Siyang Ina at Ama nating lahat, at higit pa.