Ebanghelyo: Mt 25:31-46
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Pagdating ng Anak ng Tao sa kanyang Kaluwalhatian kasama ang lahat niyang mga anghel, uupo siya sa maluwalhati niyang trono. Dadalhin sa harap niya ang lahat ng bansa at parang isang pastol na inihihiwalay niya ang mga tupa sa mga kambing, gayundin niya paghihiwalayin ang mga tao. Ilalagay niya ang mga tupa sa kanan niya at ang mga kambing sa kaliwa. Sasabihin ng Hari sa mga nasa kanan niya: ‘Halikayo, pinagpala ng aking Ama! Manahin ninyo ang kahariang inihanda para sa inyo mula pa sa simula ng daigdig. Sapagkat nagugutom ako at inyong pinakain, nauhaw ako at inyong pinainom. Naging dayuhan ako at pinatuloy ninyo ako. Nang ako’y hubad, dinamitan ninyo ako. Nang may sakit ako, binisita ninyo ako. Nang ako’y nasa bilangguan, dinalaw ninyo ako.’ At itatanong sa kanya ng mabubuti; ‘Panginoon, kailan ka namin nakitang nagugutom at pinakain, nauuhaw at pinainom, isang dayuhan at pinatuloy, at walang suot at dinamitan? Kailan ka namin nakitang maysakit o nasa bilangguan at nilapitan?’ Sasagutin sila ng Hari: ‘Talagang sinasabi ko sa inyo: anuman ang gawin ninyo sa isa sa maliliit na ito na mga kapatid ko, sa akin ninyo ginawa.’ Pagkatapos ay sasabihin naman niya sa mga nasa kaliwa niya: ‘Mga isinumpa, lumayas kayo sa harap ko papunta sa apoy na walang katapusan na inihanda para sa diyablo at sa mga anghel nito. Sapagkat nagutom ako at di ninyo ako binigyan ng makakain, nauhaw at di ninyo ako pinainom, naging dayuhan ako at di ninyo pinatuloy, maysakit at nasa bilangguan at di ninyo binisita.’
Kaya itatanong din nila: ‘Panginoon, kailan ka namin nakitang nagugutom, nauuhaw, dayuhan, hubad, may sakit o nakabilanggo at di namin pinaglingkuran?’ Sasagutin sila ng Hari: ‘Talagang sinasabi ko sa inyo, anuman ang di ninyo ginawa sa isa sa maliliit na ito, hindi ninyo ginawa sa akin.’ At pupunta ang mga ito sa walang hanggang parusa, ngunit sa walang hanggang buhay naman ang mga makatarungan.”
Pagninilay:
Anumang kabutihan na ginawa natin sa isang tao ay kabutihan na ginawa natin kay Kristo. Ayon sa Mabuting Balita na narinig natin ngayon, pinagpala ka na nagpakain sa nagugutom, nagpainom sa nauuhaw, binihisan ang walang damit, nag-alaga sa maysakit, at dumalaw sa nakabilanggo. Pinagpala ka dahil sa pagtulong mo sa mga maliliit na taong ito, si Kristo mismo ang tinutulungan mo.
Kapanalig, alalahanin natin na ang kabutihang ginawa natin sa isang tao, gaano man ito kaliit sa mata ng iba, ay mahalaga, lalo na kung ito ay nakapagdulot ng kasiyahan o kaginhawan sa buhay niya. Hindi lamang tumutukoy ang pagtulong na ito sa pisikal na pangangailangan kundi sa espirituwal na bagay din. Ang taong naliligaw ng landas ay maituturing nating gutom at uhaw sa salita ng Diyos, ang tinapay ng buhay. Ang mga kababayan nating nagdurusa sa kahirapan, ang mga pinapaalis sa sarili nilang lupa, di ba mistula silang estranghero sa sarili nilang bayan? Ang nalululong sa drugs, pagnanakaw, graft and corruption, di ba mistula rin silang bilanggo dahil nakagapos sila sa kanilang masasamang gawain at kasalanan? Additional: Kapanalig, sino sa ating paligid ang nangangailangan ng iyong tulong at habag? Huwag mong ipagkait ang iyong panahon at pagmamahal sa nangangailangan nito. Napakadali sa atin ang humatol, humusga at bale-walain ang kino-consider nating maliliit sa lipunan. Pero alalahanin natin na mahalaga sila kay Hesus. Nananahan si Hesus sa puso ng bawat isa sa atin. Ang anumang ginawa natin sa ating kapwa ay ginawa natin sa Kanya.