JUAN 3:14-21
At kung paanong itinaas ni Moises ang ahas sa disyerto, gayundin dapat itaas ang Anak ng Tao upang magkaroon ng buhay magpakailanman ang bawat nanalig sa kanya. Ganito nga kamahal ng Diyos ang mundo! Kayat ibinigay niya ang kanyang bugtong na anak upang hindi na mawala ang bawat nananalig sa kanya kundi magkaroon ng buhay magpakailanman. Hindi nga sinugo ng Diyos sa mundo ang anak upang hukuman ang mundo kundi upang maligtas ang mundo sa pamamagitan niya. Hindi hinuhukuman ang nananalig sa kanya. Ngunit hinuhukuman na ang hindi nanalig pagkat hindi siya nananalig sa Ngalan ng bugtong na Anak ng Diyos. Ito ang paghuhukom: dumating sa mundo ang liwanang pero mas minahal pa ng mga tao ang karimlan kaysa liwanag sapagkat masasama ang kanilang gawa. Ang gumagawa ng masama’y napopoot nga sa liwanag at hindi lumalapit sa liwanag, at baka malantad ang kanyang mga gawa. Lumalapit naman sa liwanag ang gumagawa ng katotohanan upang mabunyag na sa Diyos ginagawa ang kanyang gawa.
PAGNINILAY:
Mga kapanalig, bagamat hindi tuwirang binanggit sa Ebanghelyo, ang pagbasang ating narinig, patungkol sa Krus. Sinabi ni Jesus kay Nicodemo, “kagaya ng pagtataas ni Moises ng ahas sa ilang, gayundin naman kailangang itaas ang Anak ng Tao, upang magkaroon ng buhay na walang hanggan ang bawat naniniwala.” Noong panahon ni Moises, ang sinumang tumingin sa ahas na itinaas, gagaling sa kanilang karamdaman. Gayundin naman ang sinumang mananampalataya kay Jesus na itinaas at nakabayubay sa krus, gagaling – partikular na ang kagalingang pang-espiritwal o pangkaluluwa. Ang paghilom ng ating mga pusong sugatan, makakamtan sa krus na niyakap ni Jesus. Oo, niyakap ni Jesus ang krus bilang tanda ng Kanyang pananagutan sa dakilang gawaing pagliligtas sa sanlibutan. Nilapatan ni Jesus ng pag-ibig ang krus. Kung kaya’t paghilom ang dulot ng krus na pinuno ng pag-ibig ni Jesus. Sa mga makasalanan, nalulumbay, nagdurusa, nalulungkot, nababalisa, nahahapis, nanlalamig sa pananampalataya – ang pagtutok sa Krus ni Jesus ang siyang kagalingan. Ang dugong dumaloy mula sa katawan ni Jesus ang siyang hihilom sa ating mga sugat. Ito ang misteryo ng krus at pag-ibig ni Jesus. Panginoon, batid kong nalalaman po ninyo ang dinaranas kong paghihirap sa buhay. Turuan Mo po akong yakapin ang aking krus nang may pagmamahal. Amen.