Daughters of Saint Paul

MARSO 11, 2020 – MIYERKULES SA IKALAWANG LINGGO NG KUWARESMA

EBANGHELYO: Mateo 20:17-28

Nang umakyat si Jesus sa Jerusalem, isinama niya ang labindalawa, at habang nasa daan ay sinabi niya sa kanila: “Papunta na tayo sa Jerusalem. Doon ibibigay ang Anak ng tao sa mga Punong – pari at mga guro ng batas na maghahatol sa kanyang kamatayan. Kaya ibibigay nila siya sa mga pagano para pagtawanan, hagupitin at ipako sa krus. Ngunit babangon siya sa ikatlong araw.” Lumapit noon kay Jesus ang ina nina Jaime at Juan kasama ang dalawa niyang anak, at lumuhod  sa harap niya para makiusap. Tinanong siya ni Jesus: “Ano ang ibig mo?” “Narito ang dalawa kong anak. Iutos mong maupo ang isa sa iyong kanan at ang isa naman sa iyong kaliwa sa iyong Kaharian.” “hindi niyo alam ang inyong hinihingi. Maiinom n’yo ba ang kalis na iinumin ko?” “Kaya namin.” “Totoong iinom din kayo sa aking kalis ngunit wala sa akin ang pagpapaupo sa aking kanan o kaliwa. Para iyon sa mga hinirang ng Ama.” Nang marinig ito ng sampu, nagalit sila sa magkapatid. Kaya tinawag sila ni Jesus at sinabi: “Alam n’yo na sinusupil ng mga naghahari ang kanilang mga bansa at inaapi ng mga nasa kapangyarihan. Hindi ganito sa inyo: ang may gustong maging dakila, siya ang maging lingkod n’yo; ang may gustong mauna sa inyo, siya ang maging alipin n’yo. Gayundin naman, dumating ang anak ng Tao hindi para paglingkuran kundi para maglingkod at ibigay ang kanyang buhay bilang pagtubos sa marami.”

PAGNINILAY:

Isinulat ni Fr. Ramil Tapang ng Society of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo.  Narinig natin na nagpaalala si Jesus sa nanay na gustong maging dakila ang mga anak, “Can you drink the chalice that I am going to drink?” Sa madaling salita, “Kaya ba ninyong magbigay ng inyong buhay?” Mga kapatid, pakatandaan natin, na kapag nangangarap tayo, makabubuting naaayon ito sa kalooban ng Diyos; at maging handa tayong harapin anumang pagsubok na dadanasin natin sa pagtupad ng ating pangarap. Nangyayari ang mga ito, not to destroy us but to bring out the best in us. Para lalo tayong manalig sa Diyos at maniwala sa mga kakayahang ipinagkaloob niya sa atin. 

PANALANGIN:

“Panginoon, turuan po ninyo akong tanggapin ang iyong kalooban at gabayan po ninyo ako sa mga oras ng pagsubok upang makamtan ang aking pangarap. Amen.