Daughters of Saint Paul

MARSO 11, 2024 –  Lunes sa Ikaapat na Linggo ng Kuwaresma

EBANGHELYO: Jn 4:43-54

Pagkatapos ng dalawang araw, umalis si Jesus pa-Galilea. Nagpatotoo nga si Jesus na hindi pinararangalan ang isang propeta sa sariling bayan. Gayon pa man, pagdating niya sa Galilea, tinanggap siya ng mga Galileo dahil nasaksihan nila ang lahat ng ginawa niya sa Piyesta sa Jerusalem. Naroon nga mismo sila sa Piyesta. Pumunta siyang muli sa Kana ng Galilea, doon niya ginawang alak ang tubig. At nangyari, na ang anak na lalaki ng isang opisyal ng hari ay maysakit sa Capernaum. Nang marinig niya si Jesus ay dumating sa Galilea mula sa Judea, pinuntahan niya siya at pagalingin ang kanyang anak na nasa bingit ng kamatayan. Sinabi kung gayon ni Jesus tungkol sa kanya: “Hangga’t hindi kayo nakakakita ng mga tanda at mga kababalaghan, hindi kayo maniniwala.” Sinabi naman sa kanya ng opisyal: “Ginoo, lumusong ka bago mamatay ang anak ko.” At sinabi sa kanya ni Jesus: “Umuwi ka na. Buhay ang anak mo.” Nananalig ang tao sa salitang sinabi sa kanya ni Jesus at umuwi siya. Nang palusong na siya, sinalubong siya ng kanyang mga alipin at sinabing buhay ang anak niya. Inalam niya mula sa kanila kung anong oras siya gumaling at sinabi nila: “Kahapon po nang ala-una siya inibsan ng lagnat.” Kaya nalaman ng ama na ito ang oras nang sabihin ni Jesus: “Buhay ang anak mo.” At naniniwala siya pati ang buo niyang sambahayan. Ginawa ni Jesus ang ikalawang tandang ito pagdating niya sa Galilea mula sa Judea.

PAGNINILAY:

Isinulat ni Bro. Hansel Mapayo ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. Gaano ba katayog o kalawak o kalalim ang ating panampalataya? Narinig natin, na isang mataas na pinuno ng pamahalaan sa Galilea, ang lumapit kay Hesus upang humingi ng tulong, dahil nasa bingit ng kamatayan ang kanyang anak. Katatapos lang mangaral ni Hesus noon, ng isang klaseng pagtitiwala na hindi nangangailangan ng testigo at pruweba. Kaya sa pagkakataong iyon, muling ipinaramdam ni Hesus sa kanila ang walang hanggang awa at pag-ibig ng Ama.  Sinabihan niya ang opisyal na umuwi, at magaling na ang kanyang anak. Mukhang malayo ang nilakbay ng opisyal, o baka may ginawa pa siyang mahalagang bagay bago umuwi sa bahay.  Lumipas muna ang isang araw. Pero bitbit niya ang pagtitiwala sa Salita ni Hesus. Kaya umuwi siyang mag-isa. Pakiwari niya’y walang silbi ang pakiusap niya kay Hesus na sumama sa kanya. Pero alam niyang, iyon ang tamang dapat gawin, pagkatapos nang halos magpatirapa niyang pagmamakaawa sa harapan ni Hesus dahil mamatay ang kanyang mahal sa buhay. Kaya nung tinanong niya ang mga kasambahay, kung kailan gumaling ang kanyang anak, naganap iyon sa panahong humihingi siya ng tulong kay Hesus.