Daughters of Saint Paul

MARSO 12, 2022 – SABADO SA UNANG LINGGO NG KUWARESMA

Sabado na, mga kapanalig. Isa na naming araw na handog ng Diyos ngayong panahon ng Kuwaresma!  Magpasalamat tayo at magpuri! Si Sr Gemma Ria po ito mga kapanalig. Kabilang sa mga madre ng Daughters of St. Paul. Sa Magandang Balita na handog sa atin, may paanyaya na itulad natin ang ating pagmamahal sa ating Diyos Ama. Paano? Narito ang ating gabay. Mula ito  sa  Mabuting Balita ayon kay San Mateo sa ikalimang kabanata,  talata apatnapu’t tatlo hanggang apatnapu’t walo.

EBANGHELYO: MATEO 5: 43-48

Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Narinig na ninyo na sinabi: Mahalin mo ang iyong kapwa at kamuhian ang iyong kaaway. Ngunit sinasabi ko sa inyo: Mahalin n’yo ang inyong kaaway, at ipagdasal ang umuusig sa inyo. Sa ganito kayo magiging mga anak ng inyong Amang nasa langit. Sapagkat pinasisikat niya ang araw sa kapwa masama at mabuti, at pinapapatak ang ulan sa kapwa makatarungan at di-makatarungan. Kung mahal n’yo ang nagmamahal sa inyo, ano ang gantimpala n’yo? Di ba’t ginagawa rin ito ng mga pagano? Kaya maging ganap kayo gaya ng pagiging ganap ng inyong Amang nasa langit.”

PAGNINILAY

Ang pagmamahal sa kaaway, ang isa sa mga pinakatampok na katangian ng pagiging anak ng Diyos Ama.  Sa ating karanasan, hindi madaling magmahal ng kaaway.  Sa sobrang sakit na dulot nila sa atin, halos isumpa natin sila.  Nanggigigil na makaganti o may mangyaring masama sa kanila. Tunay na di natin kayang mahalin ang ating kaaway kung ang sarili lang natin ang batayan. Kailangan natin ang tulong at lakas na nagmumula sa Panginoon para magawa natin ito.  Di ba, pantay-pantay ang pagturing sa atin ng ating Panginoon?  Pinasisikat Niya ang araw sa kapwa masama at mabuti, at pinapapatak Niya ang ulan sa kapwa makatarungan at di makatarungan.  Kaya kahit magkaiba man ang usali natin, iisa ang pagtingin ng Diyos sa atin – na tayo’y mahalaga at minamahal Niya. Pero, dahil na rin sa iba’t ibang pamilyang pinanggalingan natin, sa iba’t ibang karanasan ng paghuhubog at kinalakhan natin na environment– nagiging iba-iba rin ang ating pag-uugali.  May maunawain, mayroon ding madaling magalit; may mapagbigay, mayroon ding makasarili; may tapat, at mayroon namang sanay mandaya.  May mapagpatawad at mayroong mapagtanim ng sama ng loob.  Pansinin natin ang mga taong palaaway at mahilig man-intriga ng kapwa.  Malamang lumaki sila sa pamilyang laging nag-aaway, mapanghusga sa kapwa, at hindi nakaranas ng pagmamahal sa pamilya.  Lumaki silang sugatan ang puso, kaya gusto rin nilang iparanas sa iba ang sakit na hanggang ngayon taglay nila.  Mga kapanalig kapatid, maaaring isa tayo sa mga taong sugatan ang puso dahil sa pamilyang pinanggalingan natin.  Di na natin mababago ang nakaraan natin.  Pero may pag-asa pang baguhin ang epekto nito sa buhay natin ngayon sa tulong ng Panginoong Jesus.