JUAN 5:1-16
May piyesta ng mga Judio at umahon si Jesus pa-Jerusalem. May isang paliguan sa Jerusalem na kung tawagin sa Hebreo’y Betsata, na malapit sa Pintuan ng mga Tupa. May limang pasilyo ito na may bubong. Nakahandusay sa mga ito ang isang pulutong ng mga maysakit, mga bulag, mga pilay at mga lumpo na naghihintay sa pagkilos ng tubig. Sapagkat bumababa paminsan-minsan ang Anghel ng Panginoon at kinakalawkaw ang tubig. At ang unang makalusong matapos makalawkaw ang tubig ay gumagaling sa kahit anong sakit. Naroon ang isang taong ito na nakahandusay at alam niya na matagal na ito roon. Kaya sinabi niya sa kanya: “Gusto mo bang umigi?” Sumagot sa kanya ang mga maysakit: “Ginoo, wala akong taong makapaghahagis sa akin sa paliguan kapag nakalawkaw na ang tubig. Habang paroon pa ako, lumulusong na ang iba at nauuna na sa akin.” Sinabi sa kanya ni Jesus: “Bumangon ka, buhatin mo ang iyong higaan at lumakad!” At dagling umigi ang tao, binuhat niya ang kanyang higaan at lumakad. Araw nga ng Pahinga ang araw na iyon. Kaya sinasabi ng mga Judio sa taong pinagaling: “Araw ng Pahinga ngayon at di ipinahihintulot na buhatin mo ang iyong higaan. Sumagot siya sa kanila: “Ang nagpaigi sa akin ang siyang nagsabi sa akin: “Buhatin mo ang iyong higaan at lumakad ka.” Tinanong nila siya: “Sino ba ang nagsabi sa iyong: ‘Magbuhat ka nito at maglakad?” Ngunit hindi alam ng pinagaling kung sino siya, sapagkat nakaalis na si Jesus dahil maraming tao sa lugar na iyon. Pagkatapos nito natagpuan siya ni Jesus sa Templo at sinabi niya sa kanya: “Tingnan mo, maigi ka na. Huwag ka nang magkasala pa, at baka may masahol pang mangyari sa iyo.” Umalis ang tao at ipinahayag sa mga Judio na si Jesus ang nagpaigi sa kanya. Dahil dito, inusig ng mga Judio si Jesus sapagkat sa Araw ng Pahinga niya ito ginawa.
PAGNINILAY:
Sa Ebanghelyong ating narinig, isinalarawan ang kahabag-habag na kalagayan ng isang lumpo. Bagama’t matagal nang naghihirap dahil sa kanyang kapansanan, di siya nawalan ng pag-asang gumaling. Matibay ang kanyang pananalig na siya’y gagaling, kaya nanatili siya sa tabi ng paliguan hanggang sa magdaan si Jesus. Batid ni Jesus kung anong paghihirap ang dinaranas ng lumpong ito, at alam din Niya ang pagnanais nitong gumaling. Kaya sinabi ni Jesus sa kanya: “Bumangon ka, buhatin mo ang iyong higaan at lumakad!” Noon din, gumaling ang lumpo. Mga kapanalig, sa pagsasalarawang ito ng Ebanghelyo nais ipahayag muli ng Panginoon na Siya’y naparito upang maghatid ng kaligtasan, dahil Siya mismo ang kaligtasan. Kaya sa mga may karamdamang nakikinig ngayon – pisikal man o espiritwal, huwag tayong mawawalan ng pag-asa, tibay ng loob at pananalig kay Jesus, na Siyang tunay na nakapagpapagaling. Batid ng Panginoon ang ating takot, hirap at pangamba kung makakamtan pa ba natin ang kagalingan. Pero manalig tayo sa Kanyang kagandahang-loob at kapangyarihang magpagaling. At malugod nating tanggapin ang Kanyang kalooban at ang tamang panahon ng Kanyang pagtugon.