EBANGHELYO: Mateo 21:33-43, 45-46
Sinabi ni Jesus sa mga Punong-pari at mga Matatanda ng mga Judio: Makinig kayo sa isa pang halimbawa: May isang may-ari ng bahay na nagtanim ng ubasan; binakuran ang paligid nito, humukay para sa pisaan ng ubas, at nagtayo ng toreng bantayan. Pinaupahan niya ang ubasan sa mga magsasaka at naglakbay sa malayo. Nang malapit na ang panahon ng anihan, pinapunta ng may-ari ang kanyang mga katulong sa mga magsasaka para kubrahin ang kanyang bahagi sa ani. Ngunit sinunggaban ng mga magsasaka ang kanyang mga katulong, binugbog ang isa, pinatay ang iba at binato ang ilan. Nagpadala uli ang may-ari ng marami pang katulong subalit ganoon din ang ginawa ng mga magsasaka sa kanila. Sa bandang huli, ipinadala na rin niya ang kanyang anak sa pag-aakalang ‘Igagalang nila ang aking anak.’ Ngunit nang makita ng mga magsasaka ang anak, inisip nilang ‘Ito ang tagapagmana. Patayin natin siya at mapapasaatin ang kanyang mana.’ Kaya sinunggaban nila siya, at inilabas sa ubasan at pinatay. Ngayon, pagdating ng may-ari ng ubasan, ano ang gagawin niya sa mga magsasaka?” “Hindi nila kaaawaan ang masasamang taong iyon; pupuksain niya ang mga iyon at pauupahan ang ubasan sa ibang magsasakang magbibigay ng kanyang kaparte sa anihan.”At sumagot si Jesus: “hindi n’yo ba nabasa sa Kasulatan? ‘Naging panulukang bato ang tinanggihan ng mga tagapagtayo. Gawa ito ng Panginoon; at kahanga-hanga ang ating nakita.’ Kaya sinasabi ko sa inyo: aagawin sa inyo ang Kaharian ng Diyos at ibibigay sa isang bayang makapagpapalago nito. Nang marinig ng mga Punong-pari at nga Pariseo ang mga talinhagang ito, nauunawaan nila na sila ang pinatutungkulan ni Jesus. Huhulihin na sana nila siya ngunit natakot sila sa mga tao na kumikilala sa kanya bilang propeta.
PAGNINILAY:
Mula sa panulat ni Vhen Liboon ang pagninilay sa Ebanghelyo. Hindi lahat ng mga taong nakakatanggap ng tulong sa kapwa nila ay marunong magpasalamat at tumanaw ng utang na loob. Nakakalungkot ngang isipin na may ilang nagdadalawang-isip nang tumulong dahil sa pananamantala ng mga taong natulungan nila. Ang pagtanggap ng bagay o anumang tulong mula sa ating kapwa ay hindi karapatan kundi biyaya. Lahat tayo ay tagapamahala lang ng mga biyayang pagmamay-ari ng Diyos.
PANALANGIN:
Panginoon salamat po sa mga biyayang ipinagkakaloob ninyo sa amin lalung lalo na po sa biyaya ng buhay at kaligtasan mula sa kasalanan. Amen.