Daughters of Saint Paul

MARSO 13, 2024 –  Miyerkules sa Ikaapat na Linggo ng Kuwaresma

EBANGHELYO: Jn 5:17-30

Sumagot si Jesus sa mga Judio: “Kumikilos pa rin ang aking Ama kaya’t kumikilos din ako.” Kayat lalo pa ring hinangad ng mga Judio na patayin siya dahil nito,  sapagkat hindi lamang niya nilalabag ang Araw ng Pahinga, kundi sariling Ama pa ang tawag niya sa Diyos, at ipinapantay niya ang sarili sa Diyos. Kaya sumagot si Jesus at sinabi sa kanila: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, hindi ang Anak makagagawa ng anuman mula sa kanyang sarili maliban sa nakikita niyang ginagawa ng Ama. Anuman ang gawin niya, paganoon din ang paggawa ng Anak. Sapagkat mahal ng Ama ang Anak, at itinuro niya sa kanya ang lahat niyang gingawa. At mas mahalaga pang mga kilos ang ituturo niya kayat magtataka kayo. Ibinabangon nga ng Ama ang mga patay at nagbibigay-buhay siya; gayundin naman binubuhay ng Anak ang sinumang loobin niya. At hindi nga hinahatulan ng Ama ang sinuman, kundi ibinigay niya ang buong paghatol sa Anak, upang parangalan ng lahat ang Anak gaya ng pagpaparangal nila sa Ama. Ang hindi nagpaparangal sa Anak ay hindi nagpaparangal sa Amang nag-sugo sa kanya. Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo na may buhay na walang hanggan ang nakikinig sa salita ko at naniniwala sa nagsugo sa akin. Nakatawid na siya mula sa kamatayan tungo sa buhay, at hindi siya humahantong sa paghuhukom. Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo na dumarating na ang oras, at ngayon na nga, kaya’t maririnig ng mga patay ang tinig ng Anak ng Tao at mabubuhay ang mga nakaririnig. May Buhay ang Ama sa kanyang sarili, gayundin naman ibinigay niya sa Anak na magkaroon ng buhay sa kanyang sarili. At ibinigay din niya sa kanya ang kapangyarihang maghukom, sapagkat anak siya ng tao. Huwag ninyo itong pagtakhan: dumarating ang oras na maririnig ng lahat ng nasa libingan ang tinig niya at maglalabasan sila: papunta sa pagbangon sa buhay ang mga gumawa ng mabuti, at sa pagbangon naman sa kapahamakan papunta ang mga gumawa ng masama. Wala akong magagawa sa ganang sarili. Naghuhukom ako ayon sa aking naririnig. At matuwid ang paghuhukom ko sapagkat hindi sariling kalooban ang hinahanap ko kundi ang kalooban ng nagsugo sa akin.

PAGNINILAY:

Isinulat ni Sr. Gemmaria Dela Cruz ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  Uso ang salitang hugot. Magcocomment tayo na: “Saan mo hinugot ‘yan? Ang lalim ng hugot, ah?” Ang ating Hesus Maestro mayroon din Siyang hugot. Malalim ang pinanghuhugutan Niya. Sinabi Niya, ang lahat ng Kanyang ikinikilos at sinasabi, hugot mula sa Ama. Hindi ang sariling kalooban ang sinusunod Niya kundi ang kalooban ng Ama na nagsugo sa Kanya.  Ikaw, kapatid, ano ang iyong mga hugot? At kanino ito naka-angkla? Sabi sa isang hugot line: “Ang luha parang pawis, hindi man galing sa mata pero parehong tumutulo kapag pagod ka na.” Humuhugot ito sa diwa ng pagsasakripisyo at pagdurusa. Tama. At laliman pa natin ang kahulugan. I-angkla natin ang mga paghihirap sa tunay na diwa ng pagmamahal ng Diyos Ama at Diyos Anak. Ang kanilang iisang mukha, maaninag din sana sa ating wangis, sa salita at gawa, at sa pakikipagkapwa.