Ebanghelyo: Matthew 7:7-12
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Humingi at kayo’y bibigyan; maghanap at matatagpuan ninyo; kumatok at bubuksan ang pinto para sa inyo. Talaga ngang tumatanggap ang humihingi, nakakakita ang naghahanap, at pagbubuksan ang kumakatok. Sino sa inyo ang magbibigay ng bato sa kanyang anak kung tinapay ang hinihingi nito? Sino ang magbibigay ng ahas kung isda ang hinihingi nito? Kahit masama kayo, marunong kayong magbigay ng mabuting bagay sa inyong mga anak. Gaano pa kaya ang inyong Amang nasa Langit? Magbibigay siya ng mabubuting bagay sa mga humihingi sa kanya. Kaya gawin ninyo sa iba ang gusto n’yong gawin sa inyo, ito ang nasa Batas at Mga Propeta.”
Pagninilay:
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad “humingi kayo at kayo’y bibigyan.” Maraming beses na akong humiling sa Panginoon. Meron siyang ibinigay, merong hindi lang kaagad, at meron ding hindi niya ipinagkaloob. May pagkakataon ding hindi ko naman hiniling pero ibinigay niya. Ang kailangan lang gawin ay buksan ang aking mata at puso para malaman ko na kahit kailan ay hindi niya ako pinapabayaan. Marami tayong dapat ipagpasalamat sa Panginoon sa lahat ng biyayang natatanggap natin araw-araw.
Alam n’yo, noong hindi pa ako madre, mahilig akong magbisita sa mga simbahan. Halos lahat ng panalangin ko ay mga kahilingan. Pero isang beses, natanong ko sa Panginoon kung ano ang gusto niyang gawin ko na magpapasaya sa kanya, at sa iba. Kasi most of the time sariling kahilingan lang ang laman ng dasal natin, di ba? Lumalapit lang tayo o nakakaalalang magdasal kung mayroon tayong problema, humihiling na makahanap ng magandang trabaho, gustong pumasa sa exam, gumaling sa mga sakit at iba pa. Minsan nakakalimutan nating magtanong kung ano ba talaga ang gusto ng Panginoon para sa atin. Kung siya ang magtatanong sa atin ngayon at hihiling sa atin, handa ba tayo at kaya ba nating ipagkaloob ito sa kanya?
Kapanalig, inaanyayahan tayo ng Panginoon na manalig at magtiwala lagi sa kanya. Lagi natin Siyang kasama, handang tumulong, at bukas ang pintuan para ating lahat.
Manalangin tayo: Panginoon salamat po sa lahat ng biyayang ipinagkakaloob n’yo sa amin araw-araw. Matuto nawa kaming lumapit sa iyo at magbahagi ng aming sa sarili sa iba lalung-lalo na sa mga nangangailangan. Maging instrumento nawa kami ng iyong kabutihan at pagmamahal. Amen.