JUAN 5:17-30
Sumagot si Jesus sa mga Judio: “Kumikilos pa rin ang aking Ama kaya’t kumikilos din ako.” Kayat lalo pa ring hinangad ng mga Judio na patayin siya dahil nito, sapagkat hindi lamang niya nilalabag ang Araw ng Pahinga, kundi sariling Ama pa ang tawag niya sa Diyos, at ipinapantay niya ang sarili sa Diyos. Kaya sumagot si Jesus at sinabi sa kanila: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, hindi ang Anak makagagawa ng anuman mula sa kanyang sarili maliban sa nakikita niyang ginagawa ng Ama. Anuman ang gawin niya, paganoon din ang paggawa ng Anak. Sapagkat mahal ng Ama ang Anak, at itinuro niya sa kanya ang lahat niyang ginagawa. At mas mahalaga pang mga kilos ang ituturo niya kayat magtataka kayo. Ibinabangon nga ng Ama ang mga patay at nagbibigay-buhay siya; gayundin naman binubuhay ng Anak ang sinumang loobin niya. At hindi nga hinahatulan ng Ama ang sinuman, kundi ibinigay niya ang buong paghatol sa Anak, upang parangalan ng lahat ang Anak gaya ng pagpaparangal nila sa Ama. Ang hindi nagpaparangal sa Anak ay hindi nagpaparangal sa Amang nag-sugo sa kanya. Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo na may buhay na walang hanggan ang nakikinig sa salita ko at naniniwala sa nagsugo sa akin. Nakatawid na siya mula sa kamatayan tungo sa buhay, at hindi siya humahantong sa paghuhukom. Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo na dumarating na ang oras, at ngayon na nga, kaya’t maririnig ng mga patay ang tinig ng Anak ng Tao at mabubuhay ang mga nakaririnig. May Buhay ang Ama sa kanyang sarili, gayundin naman ibinigay niya sa Anak na magkaroon ng buhay sa kanyang sarili. At ibinigay din niya sa kanya ang kapangyarihang maghukom, sapagkat anak siya ng tao. Huwag ninyo itong pagtakhan: dumarating ang oras na maririnig ng lahat ng nasa libingan ang tinig niya at maglalabasan sila: papunta sa pagbangon sa buhay ang mga gumawa ng mabuti, at sa pagbangon naman sa kapahamakan papunta ang mga gumawa ng masama. Wala akong magagawa sa ganang sarili. Naghuhukom ako ayon sa aking naririnig. At matuwid ang paghuhukom ko sapagkat hindi sariling kalooban ang hinahanap ko kundi ang kalooban ng nagsugo sa akin.
PAGNINILAY:
Sa narinig nating Ebanghelyo, ipinapahayag ni Jesus ang kanyang relasyon sa Ama at ang relasyon ng Ama sa Kanya. Dito itinuturo sa atin ng Panginoon ang pagsunod sa kalooban ng Diyos. Bagama’t si Jesus ay Diyos, hindi Siya gumagawa ng ayon lamang sa Kanya, kundi palaging ayon sa kalooban ng Ama. Malimit Niya itong binabanggit sa Kanyang pangangaral, na ang ginagawa Niya, kung ano ang pinagagawa sa Kanya ng Ama. Maging ang Kanyang paghihirap, pagpapakasakit at pagkamatay sa krus, bahagi ito sa planong pagliligtas ng Ama. Ganun nga tayo kamahal ng Ama! Hindi Niya ipinagkait na mag-alay ng buhay ang pinakamamahal na Anak para sa ating kaligtasan. Bilang tugon, paano naman natin maipapakita o maipaparamdam sa Diyos ang ating pagmamahal sa Kanya? Nakahanda ba tayong sundin ang kanyang kalooban? Handa rin ba tayong magbuwis ng buhay para sa Diyos at sa ating kapuwa? Makapagyarihang Diyos, nawa’y matutuhan naming sundin ang iyong kalooban at maluwag naming tanggapin ang ano mang ipagkakaloob mo sa amin, sa pamamagitan ni Kristo. Amen.