Daughters of Saint Paul

MARSO 14, 2020 – SABADO SA IKALAWANG LINGGO NG KUWARESMA

EBANGHELYOLucas 15:1-3,11-32

Lumapit kay Jesus ang lahat ng kolektor ng buwis at mga makasalanan para makinig. Kaya nagbulung-bulungan ang mga Pariseo at mga guro ng Batas: “ Tinatanggap niyan ang mga makasalanan at nakikisalo sa kanila.” Kaya sinabi ni Jesus ang talinhagang ito sa kanila: “May isang taong may dalawang anak na lalaki. Sinabi ng bunso sa kanyang ama: ‘Itay, ibigay n’yo sa akin ang parte ko sa mana.’ At hinati sa kanila ng ama ang ari-arian. “Pagkaraan ng ilang araw, tinipon ng bunsong anak ang lahat ng kanya at naglakbay sa malayong lupain. Doon niya winaldas ang sa kanya sa maluwag na pamumuhay. Nang maubos na ang lahat sa kanya nagkaroon ng matinding taggutom sa lupaing ‘yon at nagsimula siyang maghikahos… “Noon siya natauhan at nag-isip: ‘Gaano karaming arawan sa bahay ng aking ama na labis-labis ang pagkain at namamatay naman ako dito sa gutom. Titindig ako, pupunta sa aking ama at sasabihin ko sa kanya: ‘Itay nagkasala ako laban sa Langit at sa harap mo… “Kaya tumindig siya papunta sa kanyang ama.  Malayo pa siya nang matanaw ng kanyang ama at naawa ito, patakbo nitong sinalubong ang anak niyakap at hinalikan…. Pero sinabi ng ama sa kanyang mga utusan: ‘Madali, dalhin n’yo ang dati niyang damit at ibihis sa kanya… sapagkat namatay na ang anak kong ito at nabuhay, nawala at natagpuan.’ At nagsimula silang magdiwang… “Nagalit ang panganay at ayaw pumasok kaya lumabas ang ama at naki-usap sa kanya… “ Ngunit sinabi sa kanya ng ama: ‘Anak, lagi kitang kasama at sa iyo rin ang lahat ng akin. Pero dapat lamang na magdiwang at magsaya tayo dahil namatay na ang kapatid mo at nabuhay, nawala at natagpuan.’”

PAGNINILAY:

Isinulat ni Sem. John Renzo Muega ng Diocese of San Pablo ang pagninilay sa Ebanghelyo.)  Naranasan mo na bang i-ghost ng taong mahal mo? Kung gayon, magkakasundo kayo ng isang Ama na napakinggan natin sa Ebanghelyo ngayon. May amang nagmamahal at dalawang anak na piniling mawala sa pagmamahal na ito: ang isa sa loob ng tahanan at ang isa naman ay sa labas. Kung titingnan natin ang Ebanghelyo, palaging kadugtong ito ng mga “parabula ng nawawalang tupa at pilak o drachma.” Iisang kwento ang mga ito ng pagkawala at ang mensahe ng parabula ng alibughang anak ay maaaring mawala tayo kahit na nasa loob o labas tayo ng tahanan. Maaaring i-ghost natin ang Diyos sa loob at labas ng ating mga sarili, pero hinding-hindi Niya tayo i-go-ghost. Palagi siyang nariyan at nag-aabang na lumapit sa kanya. Kahit gaano pa kabigat ang ating mga kasalanan, wala itong maitutumbas sa laki ng grasya ng Diyos Amang Mapagmahal.  Amen.