Daughters of Saint Paul

Marso 14, 2025 – Biyernes sa Unang Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda

Ebanghelyo:  Mt 5:20-26

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Sinasabi ko sa inyo na kung hindi mas ganap ang inyong kabanalan kaysa mga guro ng Batas at mga Pariseo, hinding-hindi kayo makapapasok sa Kahariaan ng Langit. Narinig na ninyo na sinabi sa inyong mga ninuno: ‘Huwag kang papatay; dapat managot ang pumatay.’ Sinasabi ko naman sa inyo: Mananagot ang sinumang nagagalit sa kanyang kapatid. Mananagot sa Sanggunian ang sinumang uminsulto sa kanyang kapatid. Nararapat lamang na itapon sa apoy ng impiyerno ang sinumang manghiya sa kanyang kapatid. Kaya sa paglalagay mo sa altar ng iyong hain at naalaala mong may reklamo sa iyo ang kapatid mo, iwan mo muna ang iyong hain sa harap ng altar at puntahan ang iyong kapatid para makipagkasundo sa kanya. At saka ka bumalik at ialay ang iyong hain sa Diyos. Makipagkasundo na sa iyong kaaway habang papunta pa kayo sa hukuman, at baka ipaubaya ka niya sa hukom na magpapaubaya naman sa iyo sa pulis na magkukulong sa iyo. Talagang sinasabi ko sa iyo: hindi ka makalalabas hangga’t hindi mo nababayaran ang kahuli-hulihang sentimo.”   

Pagninilay:

Ayon sa Sulat ni San Pablo sa mga taga-Efeso, “Kung magagalit man kayo, iwasan ninyo ang kayo’y magkasala. Huwag ninyong hayaang lumubog ang araw na galit pa rin kayo. Huwag ninyong bigyan ng pagkakataon ang diyablo (4:26-27).” Opo, bagaman okay na makaramdam ng galit, hindi po natin hahayaang kontrolin tayo ng galit upang gumawa ng kasalanan na maaaring mauwi sa mapaminsalang gawi.

Inheritance o mana. Ito ang pinag-awayan at walang katapusang issue ng apat na magkakapatid na mga successful businessmen. Humantong na sila sa korte, at sa burol ng kanilang Nanay, parang hindi sila magkakakilala. Tuluyan na silang nilamon ng galit, kasakiman, at katakawan. Hinayaan nilang paikut-ikutin sila ng diyablo. Masaya kaya sila? Nakakatulog ba sila nang mahimbing? Masaya kaya ang kanilang mga magulang para sa kanila? 

Normal lang ang magalit. May mga bagay-bagay naman talagang nakakagalit, di ba? Si Jesus din ay minsang nagalit dahil sa paglapastangan sa mga mahihirap sa loob mismo ng tahanan ng Ama. Ang hamon sa atin ng Mabuting Balita ngayon: magpatawad, magmahal, at tanggapin ang kapwa, kahit na nagkasala sila sa atin. Nagpapatotoo ito sa biyaya at awa ng Diyos sapagkat ang ating pakikipag-ugnayan sa Diyos ay may malalim na koneksyon sa kung paano natin tratuhin ang ating kapwa. Noong nakapako sa Krus si Jesus, ipinagdasal niya ang mga nagnais na siya’y mamatay, “Ama, patawarin mo sila sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa (Lukas 23:34).”

Mga kapanalig, mahalaga ang agarang paglutas ng mga hidwaan o conflicts bago pa ito lumaki. Sabi ni Jesus, “makipag-ayos agad.” Nawa’y huwag nating bigyan ng pagkakataon ang diablong itulak tayo sa pagkakasala dahil sa galit. Sa pagpapa-kumbaba at pagpapatawad, hindi tayo mapapahamak.