Daughters of Saint Paul

MARSO 15, 2018 HUWEBES SA IKAAPAT NA LINGGO NG KUWARESMA

JUAN 5:31-47

Sinabi ni Jesus sa mga Judio: “Kung nagpapatotoo ako sa aking sarili, hindi mapanghahawakan ang patotoo ko. Ngunit iba ang nagpapatotoo sa akin at alam ko na mapanghahawakan ang kanyang patotoo tungkol sa akin. Nagsugo rin kayo kay Juan at binigyang-patotoo niya ang katotohanan. Ipinaaalala ko ito dahil sa inyo para maligtas kayo, ngunit hindi ko hangad ang patotoong mula sa tao. Siya nga ay isang ilaw na may sindi at nagningning, at ginusto ninyong magalak pansamantala sa kanyang liwanag. May patotoo naman ako na higit pa kaysa kay Juan – ang mga gawang ibinigay sa akin ng Ama upang tuparin ko ang mga iyon.  Ang mga gawang ginaganap ko ang nagpapatotoo na sinugo ako ng Ama. At nagpapatotoo rin sa akin ang Amang nagsugo sa akin. Kailanma’y di ninyo narinig ang kanyang tinig ni nakita ang kanyang anyo. At hindi rin nananatili sa inyo ang kanyang salita dahil hindi kayo naniniwala sa kanyang sinugo. Sinaliksik ninyo ang mga Kasulatan sapagkat iniisip ninyong doon ninyo matatagpuan ang buhay na walang hanggan. Nagpapatotoo nga sa akin ang mga Kasulatan, ngunit ayaw ninyong lumapit sa akin para mabuhay. Hindi ko hangad ang papuri mula sa mga tao, ngunit alam kong walang pagmamahal sa Diyos sa inyong kalooban. Hindi ninyo ako tinatanggap sa pagdating ko sa ngalan ng aking Ama; kung sakaling may pumarito sa sarili niyang ngalan, siya ang inyong tatanggapin. Paano kaya kayo makapaniniwala kung ang hangad ninyo’y papuri sa isa’t isa at hindi ang papuring galing sa iisang Diyos ang hanap. Huwag ninyong ipalagay na ako ang magsasakdal laban sa inyo sa harap ng Ama. Si Moises ang magsasakdal laban sa inyo, siya na inyong inasahan. Kung paniniwalaan nga ninyo si Moises, paniniwalaan din sana ninyo ako, sapagkat tungkol sa akin ang sinulat niya. Ngunit kung hindi ninyo paniniwalaan ang mga sinulat niya, paano ninyong paniniwalaan ang mga pananalita ko?”

PAGNINILAY:

Nais ipaunawa sa atin ng Ebanghelyo ngayon na ang Amang hindi nakikita ni naririnig, makikita at maririnig natin kay Jesus. Kay Jesus makikilala ang Diyos dahil Siya ang tagapagbunyag ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang turo at gawa.  Kaya masasabi nating si Jesus ang eksaktong kumakatawan sa Ama.  Pinatunayan Niya ito nang Kanyang sabihing, “Ang sinumang nakakikita sa Kanya, nakakikita na sa Ama, dahil Siya at ang Ama, iisa.”  Mga kapanalig, pagpapakilala ng Diyos si Jesus.  Kay Jesus makikilala ang Diyos sa pinakamalalim na paraan dahil ang misteryo ng Diyos na di nakikita, ipinakita Niya sa salita at sa gawa – sa misteryo ng buhay ni Jesus.  Tayo, bilang mga bahagi ng katawan ni Kristo, may pananagutan ding ipakilala ang Diyos.  At ang mabisang paraan para maipakilala natin Siya ay sa pamamagitan ng salita at gawa, sa ating buhay-pagmamahal at sa mabuti nating pakikitungo sa kapwa.