EBANGHELYO: Juan 4:5-42 o (4:5-15, 19b-26, 39a, 40-42)
Dumating si Jesus sa isang bayan ng Samaria na tinatawag na Sikar na malapit sa bukid na ibinigay ni Jacob kay Jose na kanyang anak. Naroon ang bukal ni Jacob. Si Jesus dahil sa pagod sa paglalakbay ay basta na lamang naupo sa may bukal. Tanghaling tapat ang oras noon. May babaeng taga-Samaria na dumating upang sumalok ng tubig at sinabi sa kanya ni Jesus: “Painumin mo ako.” Sumagot naman sa kanya ang babaeng Samaritana: “Babaeng Samaritana ako at judio ka naman at hinihiling mong painumain kita?” (Sapagkat hindi nakikisalamuha ang mga Judio sa mga Samaritano.) Sinabi ni Jesus sa kanya: “Kung alam mo ang kaloob ng Diyos at kung sino ang nagsalita sa iyong ‘Painumin mo ako!’ hiningan mo sana siya at bibigyan ka niya ng tubig na buhay.” Sinabi sa kanya ng babae: “Ginoo wala kang panalok at malalim ang balon. Saan galing ang iyong tubig na buhay? Mas may kakayahan kaba kaysa ninuno naming si Jacob? Dahil siya ang nagbigay samin ng balon pagkatapos niyang uminom mula rito pati na ang kanyang mga anak at mga kawan.” Sumagot si Jesus: “Mauuhaw uli ang uminom sa tubig na ito. Ang uminom naman sa tubig na ibibigay ko sa kanya ay hinding hindi na mauuhaw. Magiging isa ngang bukal sa kanya ang tubig na ibibigay ko, at bubukal ang tubig at magbubunga sa buhay na walang hanggan.” Sinabi sa kanya ng babae: “Ginoo ibigay mo sa akin ang tubig na ito at hindi na ako mauuhaw ni magpaparoo’t parito pa para sumalok dito. “Alam ko na dumarating ang Mesiyas, na kung tawagi’y Pinahiran. At pagdating niya, ipahahayag niya sa amin ang tanang mga bagay.” Sinabi sa kanya ni Jesus: “Ako siya na siyang nangungusap sa iyo.”
PAGNINILAY:
Sa Ebanghelyong narinig natin, magandang bigyang pansin ang pagsalok ng tubig ng Samaritana sa katanghaliang tapat. Wala kasing pumupunta sa bukal sa ganitong oras. Umiiwas siya sa mga tao dahil makasalanan siya. Marami na siyang kinakasamang lalaki at may panibago pa siyang kinakasama. Kung susuriin natin ang kanyang pamumuhay, tila may hinahanap siyang tubig na makapapatid sa kanyang pagkauhaw. Pero mali naman ang pinipili niyang tugon. Ikaw kapatid, anong pagkauhaw ba ang nararanasan mo ngayon na pilit mong hinahanapan ng tugon? Uhaw ka ba sa pagkalinga at pagmamahal, uhaw sa pansin, uhaw sa tunay na kaibigan, uhaw sa kapayapaan ng puso at isip, uhaw sa pang-araw-araw na pangangailangan, uhaw sa presensya ng pamilya at anak na iyong iniwan, nung magtrabaho ka bilang OFW, uhaw sa panahon, uhaw sa buhay espiritwal at marami pang pagkauhaw… Lumapit ka sa Panginoong Jesus. Siya ang bukal ng buhay na tubig na papatid sayong pagkauhaw na di kailanman kayang tugunan ninuman, maging ng yaman, kapangyarihan at tagumpay na iyong nakamtan. Kapag si Jesus ang maghari sa’ting puso at buong pagkatao, hindi na tayo mauuhaw pa. Amen.