EBANGHELYO: Jn 4:43-54
Umalis si Jesus pa-Galilea. Nagpatotoo nga si Jesus na hindi pinararangalan ang isang propeta sa sariling bayan. Gayon pa man, pagdating niya sa Galilea, tinanggap siya ng mga Galileo dahil nasaksihan nila ang lahat ng ginawa niya sa Piyesta sa Jerusalem. Naroon nga mismo sila sa Piyesta. Pumunta siyang muli sa Kana ng Galilea, doon niya ginawang alak ang tubig. At nangyari, na ang anak na lalaki ng isang opisyal ng hari ay maysakit sa Capernaum. Nang marinig niya na dumating sa Galilea si Jesus mula sa Judea, pinuntahan niya siya at ipinakiusap na lumusong s’ya at pagalingin ang kanyang anak na nasa bingit ng kamatayan. Kaya’t sinabi ni Jesus tungkol sa kanya: “Hangga’t hindi kayo nakakakita ng mga tanda at mga kababalaghan, hindi kayo maniniwala.” Sinabi naman sa kanya ng opisyal: “Ginoo, lumusong ka bago mamatay ang anak ko.” At sinabi sa kanya ni Jesus: “Umuwi ka na. Buhay ang anak mo.” Nananalig ang tao sa salitang sinabi sa kanya ni Jesus at umuwi siya. Nang palusong na siya, sinalubong siya ng kanyang mga alipin at sinabing buhay ang anak niya. Inalam niya mula sa kanila kung anong oras siya gumaling at sinabi nila: “Kahapon po nang ala-una siya inibsan ng lagnat.” Kaya nalaman ng ama na ito ang oras nang sabihin ni Jesus: “Buhay ang anak mo.” At naniwala siya pati ang buo niyang sambahayan. Ginawa ni Jesus ang ikalawang tandang ito pagdating niya sa Galilea mula sa Judea.
PAGNINILAY
Mula sa panulat ni APC Lulu Pechuela ng Association of Pauline Cooperators ang pagninilay sa ebanghelyo. Ano ang ipinagkaiba ng opisyal na taga Capernaum sa mga taga Galilea? Hindi ba’t humihingi din siya ng himala? Ang kanyang kababaang loob at ang matinding pagmamahal sa nag-aagaw buhay niyang anak, ang katangiang humipo sa puso ng Panginoon upang siya’y pagbigyan. Makapangyarihan siyang tao, pero tinanggap niya nang pagsabihan siya ng Panginoon na “hangga’t di kayo nakakakita ng kababalaghan at mga tanda ay di kayo mananampalataya”. Maaring napahiya siya, pero nagpursigi pa rin siya; hindi niya inalintana ang kanyang “pride”. At nang sinabi ng Panginoon na “humayo ka na, ang anak mo ay buhay”, buong-puso siyang naniwala, at nagmamadaling umuwi upang makapiling ang anak.
PANALANGIN
Panginoon, tulungan mo po kaming maging mababang loob at magkaroon ng matibay na pananalig sa iyong pagmamahal sa amin. Isinusuko namin sa ‘Yo ang aming mga hangarin, plano at pangarap sa buhay. Maganap nawa ang dakila mong plano para sa amin at sa aming mga minamahal, Amen.