Mapagpalang araw ng Martes , mga ginigiliw kong kapanalig/ kapatid at texters. Purihin ang Diyos sa pagpahiram sa atin ng panibagong buhay at lakas, at sa hatid Niyang Good News para sa atin ngayon. Magpakatotoo at Magpakumbaba. Si Sr. Gemma Ria po ito, mga kapanalig, kabilang sa mga Daughters of St. Paul. Salubungin natin ang Mabuting Balita ayon kay San Mateo , ika- dalawampu’t tatlong kabanata , unang talata hanggang labindalawa.
EBANGHELYO: MATEO 23:1-12
Sinabi ni Hesus sa mga tao at sa kanyang mga alagad: “Ang mga guro ng Batas at mga Pariseo ang umupo sa puwesto ni Moises. Pakinggan at gawin ang lahat nilang sinasabi subalit huwag silang pamarisan sapagkat nagsasalita sila pero hindi naman ginagawa. Naghahanda sila ng mabibigat na pasanin at ipinapatong sa mga balikat ng mga tao. Ngunit hindi nila ikinikilos ni isang daliri para galawin ang mga iyon. Pakitantao lamang ang lahat nilang ginagawa; dahil dito, malalapad na laso ng Kasulatan ang gusto nila para sa kanilang noo, at mahahabang palawait sa kanilang balabal. Gusto nilang mabigyan ng pangunahing lugar o upuan sa mga piging at sa sinagoga. Ikinatutuwa rin nilang mabati sa mga liwasan at matawag na guro ng mga tao. “Huwag kayong patawag na ‘guro’ sapagkat iisa lamang ang Guro ninyo at magkakapatid kayong lahat. Huwag din ninyong tawaging ‘ama’ ang sinuman sa mundo sapagkat iisa lamang ang inyong Ama, siya na nasa Langit. Huwag din kayong patawag na ‘gabay’ sapagkat iisa lamang ang inyong Patnubay, si Kristo. Maging alipin ninyo ang pinakadakila sa inyo. Sapagkat ibababa ang magpapakataas at itataas ang nagpapakababa.”
PAGNINILAY
Mga kapanalig, dalawang mahahalagang aral ang nais ituro sa atin ng Panginoon ngayon. Una, magpakatotoo tayo at huwag pakitang-tao ang mga ginagawang kabutihan. Huwag nating tularan ang mga Guro ng Batas at Pariseo na puro pagtatanghal ang mga ginagawang kabutihan. Istilo nila ito para parangalan at papurihan. Kaya kung nagkakawang-gawa man tayo sa mga mahihirap, nagbibigay ng donasyon sa simbahan o sa mga Foundations na sumusulong ng kapakanan ng mga dukha – huwag na natin itong ipamalita para umani ng papuri. Kung artista ka, likas ang mag-effort para sumikat. Bahagi ito ng kanilang trabaho. Kung pulitiko ka, oo likas ang publicity para ipaalam sa nasasakupan niya mo na tumutupad ka sa pangakong maglingkod. Dahil isang bokasyon din ang pamumuno at paglilingkod sa bayan. Pero kung ang artista, tumatanggap ng papel na walang makukuhang aral, o ang pulitiko na nagmamapuri kahit labag sa Diyos at pakikipag-kapwa ang ginagawa, yan ang hindi magandang halimbawa. At tayo, na hindi naman mga artista at pulitiko, sikapin nating gumawa ng kabutihan hindi para umani ng papuri at suporta sa mga tao, kundi, para maparangalan ang Diyos sa pamamagitan natin. Ang Ikalawang aral na nais ituro sa atin ng Panginoon, magsilbing mabuting halimbawa lalo na sa mga taong ipinagkatiwala ng Diyos sa atin. Tayo ang unang dapat magsabuhay ng mga itinuturo natin sa iba. Ika nga ng kasabihan, “Practice what you preach” or “Walk your talk.” Hilingin natin sa Diyos ang biyayang makatugon sa hamong magpakatotoo at maging mabuting huwaran sa kapwa.