EBANGHELYO: Jn 7:1-2, 10, 25-30
Naglibot si Jesus sa Galilea. Ayaw niyang maglibot sa Judea dahil pinagtatangkaan siyang patayin ng mga Judio. Malapit na ang Piyesta ng mga Judio, na Piyesta ng mga Kubol. Pagkaahom ng mga kapatid niya sa piyesta, siya man ay umahon din pero palihim at di lantad. Kaya pinagsasabi ng ilan sa mga taga-Jerusalem: “Hindi ba ito ang balak nilang patayin? Pero tingnan n’yo at lantaran siyang nangungusap, at wala silang anumang sinasabi sa kanya. Totoo kayng alam ng mga pinuno na siya ang Kristo? Pero alam natin kung saan siya galing. Ngunit pagdating ng Kristo, walang makaaalam kung saan siya galing.” Kaya nang mangaral sa Jesus sa Templo, sumigaw siya: “Kilala n’yo nga ako at alam n’yo kung saan ako galing! Ngunit hindi ako pumarito sa ganang sarili ko. Sinugo ako ng Totoo na hindi n’yo kilala. Kilala ko naman siya sapagkat galing ako sa kanya at siya ang nagsugo sa akin.” Pinagtatangkaan nilang dakpin siya ngunit walang nagbuhat sa kanya ng kamay sapagkat hindi pa sumasapit ang kanyang oras.
PAGNINILAY:
Isinulat ni Sr. Reajoy San Luis ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. “Ako ba’y talagang kilala ninyo? Alam nga ba ninyo kung saan ako nanggaling?” Ito ang lantarang tanong ni Hesus sa mga Marites nung panahong iyon na nagdudunung-dunungan at lantarang kinukuwestyon ang pagkatao niya. Nakaranas ka na bang may ikinukuwento kang tao, na parang marami kang alam sa kanya, at ang kinukuwentuhan mo pala ay mismo ang taong iyon, kasi sa totoo lang hindi mo nga alam kung ano ang hitsura niya… di po ba nakakahiya? Marami ngayong ganyan… halimbawa lang ang mga buwitre sa social media pagdating sa tsismis. At ang kalimitang biktima ay mga artista, na kala mo personal nilang kilala at kasama sa buhay. Walang awang ginagamit ang mga walang basehan, at nakaw na mga kuwento para kumita. Pero ang hindi nila alam, pagpapakita ito kung gaano sila ka ignorante sa maraming bagay, at ang kawalan ng respeto at pagpapahalaga, sa buhay at reputasyon ng iba. Wala itong kaibahan sa pagnanakaw ng dignidad, at pananamantala sa kapwa. At dahil nga sa sobrang pagiging makasarili, hindi nila nakilala ang mukha ng Diyos, sa kapwa nila. Malungkot di po ba? At ang mas malungkot, ay kung bingi na rin sila sa tawag ng Diyos na magbago at magbalik loob sa kanya. Sa atin na may kamalayan sa ganitong bagay, ang magagawa natin ay huwag tangkilikin ang anumang gawain nila, at higit sa lahat, ihingi ng tawad ang masasamang gawaing ito sa maawain nating Diyos.
PANALANGIN
Panginoong Hesus, patawarin nyo po kami sa aming kakulangan ng kaalaman tungkol sa iyo, at sa pagkakataong hindi namin kayo nakilala, bunga ng aming pagiging makasarili. Gawin nyo po kaming instrumento, ng paglaganap ng katotohanan at kabutihan sa aming pamilya, komunidad at sa mundo. Amen.