Daughters of Saint Paul

MARSO 16, 2018 BIYERNES SA IKAAPAT NA LINGGO NG KUWARESMA

JUAN 7:1-2, 10, 25-30

Naglibot si Jesus sa Galilea. Ayaw niyang maglibot sa Judea dahil pinagtatangkaan siyang patayin ng mga Judio. Malapit na ang Piyesta ng mga Judio, na piyesta ng mga Kubol. Pagkaahon ng kanyang mga kapatid sa piyesta, siya man ay umahon din pero palihim at hindi lantad. Kaya sinabi ng ilang taga-Jerusalem: “Hindi ba ito ang balak nilang patayin? Pero tingnan n’yo at lantaran siyang nangungusap, at wala silang anumang sinasabi sa kanya. Totoo kayang alam ng mga pinuno na siya ang Kristo? Pero alam natin kung saan siya galing. Ngunit pagdating ng Kristo, walang makaaalam kung saan siya galing.” Kaya nang mangaral si Jesus sa Templo, sumigaw siya: “Kilala n’yo nga ako at alam n’yo kung saan ako galing! Ngunit hindi ako pumarito sa ganang sarili ko. Ipinadala ako ng Totoo na hindi n’yo kilala. Kilala ko naman siya pagkat galing ako sa kanya at siya ang nagsugo sa akin.” Pinagtangkaan nilang dakpin siya ngunit walang nagbuhat sa kanya ng kamay sapagkat hindi pa sumasapit ang kanyang oras. 

PAGNINILAY:

Sa Ebanghelyong ating narinig, ang “oras” ni Jesus na tinutukoy ni Juan Ebanghelista, ay ang Kanyang paghihirap, Pagkamatay at Muling Pagkabuhay – ang pinaka-makapangyarihang yugto ng Kanyang mapanligtas na gawain.  Kung kelan magaganap ang dakilang “oras” na iyon, tanging ang Diyos lamang ang makapagpapasya.  Mga kapanalig, ang mga pagpapasya ng mga tao, pabor man o laban kay Jesus, gagamitin lang ng Diyos para sa Kanyang dakilang plano ng pagliligtas.  Sa madaling salita, hindi kagagawan ng tao, hindi aksidente at lalong hindi nagkataon lang ang pagdating ng “oras” ni Jesus.  Kaya naman lahat ng sinabi at ginawa ni Jesus, ayon lang sa kalooban at karunungan ng Ama.  Malaya at masigasig Niyang tinupad ang kalooban ng Ama dahil alam Niyang hindi masisira ng tao ang plano ng Diyos, at hindi Siya mapapahamak nang wala sa panahon.  Sa ating pang-araw-araw na buhay paano ba natin ini-aayon sa kalooban ng Diyos ang ating mga pagpapasya?  Minsan napakarami nating pinaplano sa buhay.  Pinaplano na natin kung ano ang gusto nating mangyari sa ating buhay makalipas ang lima o sampung taon.  Hindi naman masamang magplano at lalong hindi masamang mangarap?  Pero kasama ba ang Diyos sa ating pagpaplano at pangarap?  Sinasangguni ba natin Siya kung ano ang tunay na makabubuti sa atin?  Ika nga ng kasabihan, “Man proposes but God disposes.”  Marami man tayong pinaplano at hinahangad sa buhay, mas maiging lagi nating isasama ang Panginoon.  Sa halip na sabihing ito gusto kong mangyari sa buhay ko… mas maiging sabihin… na kung loloobin ng Diyos, ito ang gusto kong mangyari sa buhay ko.  Marami man tayong gustong gawin sa ating buhay kung hindi ito pahihintulutan ng Diyos at wala pa sa Kanyang takdang oras, hindi ito mangyayari.  Mga kapanalig, maging bukas sana tayo lagi sa mahiwagang pagkilos ng Diyos sa ating buhay.