EBANGHELYO: Lucas 4:24-30
Pagdating ni Jesus sa Nazaret, sinabi niya sa lahat ng nasa sinagoga: “Talagang sinasabi ko: walang propetang katanggap-tanggap sa sarili niyang bayan. Tinitiyak ko sa inyo na maraming byuda noon sa kapanahunan ni Elias nang sarhan ang Langit sa loob ng tatlo’t kalahating taon at nagkaroon ng matinding taggutom sa buong lupain. Gayon pa ma’y hindi ipinadala ni Elias sa isa man sa kanila kundi sa byuda ng Serepta sa may Sidon. Marami ring may ketong sa Israel sa kapanahunan ni Propeta Eliseo pero wala sa kanilang pinagaling kundi ang Siriong sa Naaman.” Napuno ng galit ang lahat sa sinagoga pagkarinig dito, tumindig sila at ipinagtulakan siya sa labas ng bayan. Dinala nila siya sa gilid ng burol na kinakatayuan ng kanilang bayan upang ihulog. Ngunit dumating siya sa gitna nila at umalis.
PAGNINILAY:
(Isinulat ni Sem. Mark Louise Maraan, 2nd Year Aspirant ng Society of Saint Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo.) Mga kapanalig, inaanyayahan tayo ng Mabuting Balita ngayon na pagnilayan ang dalawang salita: pinili at isinugo. Marami ang tinawag pero iilan ang tumugon, pinili ka pero sa ibang lugar ka isinugo. Ganito rin ang ipinaparating sa atin ng Mabuting Balita ngayon. Marami ang pinipili, pero sa iba’t ibang lugar sila pinapadala ng mga pumili sa kanila, dahil alam ng pumili sa kanila na mayroon silang kayang gawin na mas mabuti sa lugar na iyon kaysa sa lugar na kanilang kinabibilangan. Sa lahat ng tao sa iba’t ibang lugar, ano man ang ating propesyon sa buhay, pinipili tayo at sinasala ng ating mga pinuno o boss. Kinikilala nila tayong mabuti bago tayo isugo o isabak sa isang giyera o pagsubok na dapat nating pagtagumpayan sa huli ng laban. Pinipili nila kung sino ang alin, at kung sino ang saan upang sa kanilang pagsusugo, tama at walang pagsisisi na mangyayari sa bandang huli. Katulad sa Mabuting Balita ngayon, walang propeta ang kinikilala sa sariling bayan, dahil mismong ang ating Amang nasa kalangitan ang sa kanila’y pumili at hinubog ng panahon, sinanay upang maging alagad, taga – pamagitan ng tao sa Diyos, taga – gawa ng mga pagpapagaling na sa Diyos Ama nagmumula. (Hindi sila, hinubog upang sa sariling bayan gawin ang mga biyaya sa kanila. Sa halip sa ibang lugar sila isinugo ng Amang nasa langit, upang mas mamunga at mas lumago sila bilang mga alagad at taga – sunod ng Diyos, at higit sa lahat, upang mas makilala at madama nila ang pag – ibig ng Diyos Ama sa lahat ng bansa.)