EBANGHELYO: Jn 7:40-53
May nagsabi mula sa maraming taong nakarinig sa mga salita ni Jesus: “Totoo ngang ito ang Propeta.” Sinabi naman ng iba: “Ito ang Kristo.” Ngunit itinanong ng iba: “Sa Galilea ba manggagaling ang Kristo? Hindi ba’t sinabi ng Kasulatan, na mula sa binhi ni David at galing sa Betlehem na nayon ni David ang Kristo?” Kaya nahati ang mga tao dahil sa kanya. Balak ng ilan sa kanila na dakpin siya ngunit walang nagbuhat ng kamay sa kanya. Kaya bumalik ang mga bantay ng Templo sa mga Punong-pari at mga Pariseo, at sinabi ng mga ito sa kanila: “Bakit hindi n’yo siya dala?” Sumagot ang mga bantay: “Kailanma’y wala pang taong nangusap nang ganito.” Kaya sinabi ng mga Pariseo sa kanila: “Nalinlang din pala kayo! May mga pinuno ba o Pariseong naniwala sa kanya? Pero ang mga taong ito na hindi alam ang Batas: sila’y isinumpa!” Nagsalita ang isa sa kanila, si Nicodemo. Siya ang nagpunta kay Jesus noong una. At sinabi niya: “Hinahatulan ba ng ating Batas ang sinuman nang hindi muna siya dinidinig para alamin ang kanyang ginawa? Sumagot sila sa kanya: “Taga-Galilea ka rin ba? Saliksikin mo nga at tingnan na hindi babangon mula sa Galilea ang Propeta.”
At umuwi ang bawat isa sa kanila.
PAGNINILAY:
Isinulat ni Bro. Hansel Mapayo ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. Mukhang hindi lang sa panahon natin uso ang Fake News. Kahit sa panahon ni Hesus, marami ang nakakilala at nakarinig kay Hesus at nagpatotoong “siya ang Propeta at Mesiyas na hinihintay natin!” Pero, pinalabas nilang pekeng Mesiyas si Hesus, dahil galing siya sa bandang hilaga o (North), ng Galilea. Ang lugar ang binabalandra nila, pero ang kanilang paliwanag ay ang “kasulatan na galing ang Mesiyas sa lipi ni David mula sa Timog (South). Baluktot ang pangangatwiran at ikinukubli ang katotohanan. Kung nanaliksik lang sana sila, madi-diskubre nilang si Hesus ay mula sa lipi ni Haring David! Buti na lang pinakilala sa atin si Nicodemo, isang iskolar ng Torah o Batas na bukas ang kaisipan at marunong kumilatis sa mga senyales ng kasalukuyang panahon at nagbigay ng ibang opinyon. Pero, pati siya ay kwinestyon. Tinanong siya kung taga Galilea ba siya. Mga kapatid, tulad ni Nicodemo, kailangan nating maging matatag sa ating pagpapahayag ng ating paniniwala at pananampalataya. Nakabatay ito sa ating personal na karanasan sa Panginoon, at pinapalago natin ito sa ating pakikiisa sa mga turo at gawain ng ating Simbahan, kaya nabubuksan ang ating kamalayan sa katotohanan. Sa totoo lang: kung wala si Hesus sa ating buhay, wala itong saysay. Si Hesus ang Katotohanan at Buhay!