Daughters of Saint Paul

MARSO 17, 2018 SABADO SA IKAAPAT NA LINGGO NG KUWARESMA

 

JUAN 7:40-53

May nagsabi mula sa maraming taong nakarinig sa mga salita ni Jesus: “Totoo ngang ito ang Propeta.” Sinabi naman ng iba: “Ito ang Kristo.” Ngunit itinanong ng iba: “Sa Galilea ba manggagaling ang Kristo? Hindi ba't sinabi ng Kasulatan, na mula sa binhi ni David at galing sa Betlehem na nayon ni David ang Kristo?” Kaya nahati ang mga tao dahil sa kanya. Balak ng ilan sa kanila na dakpin siya ngunit walang nagbuhat ng kamay sa kanya. Kaya bumalik ang mga bantay ng Templo sa mga Punong-pari at mga Pariseo, at sinabi ng mga ito sa kanila: “Bakit hindi n'yo siya dala?” Sumagot ang mga bantay: “Kailanma'y wala pang taong nangusap nang ganito.” Kaya sinabi ng mga Pariseo sa kanila: “Nalinlang din pala kayo! May mga pinuno ba o Pariseong naniwala sa kanya? Pero ang mga taong ito na hindi alam ang Batas: sila'y isinumpa!” Nagsalita ang isa sa kanila, si Nicodemo. Siya ang nagpunta kay Jesus noong una. At sinabi niya: “Hinahatulan ba ng ating Batas ang sinuman nang hindi muna siya dinidinig para alamin ang kanyang ginawa? Sumagot sila sa kanya: “Taga-Galilea ka rin ba? Saliksikin mo nga at tingnan na hindi babangon mula sa Galilea ang Propeta.” At umuwi ang bawat isa sa kanila.

PAGNINILAY:

Habang papalapit na ang pagdiriwang ng mahal na araw, hinihikayat tayo ng simbahan na paigtingin ang pagbabasa at pagninilay tungkol sa buhay ni Jesus. Narinig natin sa Ebanghelyo kung paano hinahangaan ng mga tao si Jesus.  Kinikilala nila Siyang isang Propeta!  Ang iba naman nagsasabing, Siya nga si Kristo! Namangha sila sa makapangyarihang pangangaral ni Jesus, at sinasabi pa nilang: ‘wala pang taong nagsalita ng ganito’. Pero alam natin, na hindi ito matanggap ng mga Pariseo dahil wala silang pagtingin o paggalang man lamang sa Kanya. Gayun na lamang ang paghamak nila kay Jesus, at sa bayan ng Galilea na pinanggalingan niya.  Dahil nangingibabaw ang pagka-inggit at pagkapoot sa kanilang puso.   Mga kapanalig, ang pangyayaring ito sa kapanahunan ni Jesus, patuloy pa ring nangyayari sa ating lipunan, sa mga samahan, maging sa ating maliliit na komunidad.  Ang pagka-inggit, parang lason na pumapatay sa mabuting samahan.  Kaya nitong gawan ng masama at sirain, ang taong kina-iinggitan.  Malinaw na demonyo ang nagtatanim nito sa puso ng tao, dahil pagkawasak ng samahan at reputasyon ng tao ang kasamaang dulot nito.  Para mapaglabanan natin ang inggit na lumason sa ating puso, maging mapagpasalamat tayo sa Diyos sa napakaraming biyaya at pagpapalang tinanggap natin.  Pagtuunan natin ng pansin kung gaano tayo ka-blessed bilang tao, ang ating angking galing at talento, at matuto rin tayong kilalanin ang galing ng iba.  Makisaya tayo, at batiin sila sa kanilang tagumpay, nang sa gayon sama-sama nating mapapurihan ang Diyos gamit ang talentong ipinagkaloob Niya sa atin.