Daughters of Saint Paul

MARSO 17, 2020 – MARTES SA IKATLONG LINGGO NG KUWARESMA

EBANGHELYOMateo 18;21-35

Nagtanong naman si Pedro: “Panginoon, gaano kadalas ko naman dapat patawarin ang mga pagkukulang ng aking kapatid? Pitong beses ba?” “Hindi, hindi pitong beses kundi pitumpu’t pitong beses.” “Tungkol sa Kaharian ng Langit ang kasaysayang ito. Isang hari ang nagpasyang pagbayarin ng utang ang kanyang mga utusan. Nang simulan niyang suriin ang kuwenta, iniharap sa kanya ang isang may utang na sampung baretang ginto. Dahil walang maibayad sa kanya ang tao, iniutos ng panginoon na ipagbili at maging alipin siya kasama  ng kanyang asawa, mga anak at mga ari-arian bilang bayad-utang. “At nagpatirapa sa paanan ng hari ang opisyal at nagsabi: ‘Bigyan mo pa ako ng panahon, at babayaran kong lahat ang utang ko.’ Naawa sa kanya ang hari at hindi lamang siya pinalaya kundi kinansela pa ang kanyang utang. Pagkaalis ng opisyal na ito, nasalubong niya ang isa sa kanyang mga kasamahan na may utang namang sandaang barya sa kanya. Sinunggaban niya ito sa leeg at halos sakalin habang sumisigaw ng ‘Bayaran mo ang utang mo!’ Nagpatirapa sa paanan niya ang kanyang kasamahan at nagsabi: ‘Bigyan mo pa ako ng panahon, at babayaran kong lahat ng utang ko sa iyo.’ Ngunit tumanggi siya at ipinakulong ito hanggang makabayad ng utang. … Ipinatawag ng Panginoon ang opisyal at sinabi: ‘Masamang utusan, pinatawad ko ang lahat ng iyong utang nang makiusap ka sa akin. di ba dapat ay naawa ka rin sa iyong kasamahan gaya ng pagkaawa ko sa iyo?’ Galit na galit ang panginoon kaya ibinigay niya ang kanyang utusan sa mga tagapagpahirap hanggang mabayaran nito ang kanyang utang.” ‘Ganito rin ang gagawin sa inyo ng aking Ama sa Langit kung hindi patatawarin ng bawat isa sa inyo mula sa puso ang kanyang kapatid.”   

PAGNINILAY:

Mula sa panulat ni Fr. Ramil Tapang ng Society of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo. Mga kapatid, tinatawagan tayo ng Ebanghelyo ngayon, na kumawala sa tanikala ng poot, ng galit. Totoo: normal lang ang magalit. Pero hindi na normal kung pinatatagal mo. Para yang tulog na bulkan. Sa una akala mo, ok lang. pero mabibigla ka na lang isang araw, sumasabog! Tanungin ang saril, “Sabog na ba ako?” kung ayaw mong sumabog, isabuhay ang turo ng ebanghelyo, magpatawad. “Madali pong sabihin pero mahirap gawin!” Pero, hindi imposible sa grasya ng Diyos. Ang pagpapatawad ay may kaakibat na sakripisyo, pagpapakumbaba at pagsasa-ayos.  Malaking tulong din ito sa sarili dahil payapa ang ating puso, Malaya tayong nakakapunta kahit saan nang walang kinatatakutan o iniiwasan.  Pagkalooban nawa tayo ng Panginoon ng mapagpatawad na puso. Amen.