Daughters of Saint Paul

MARSO 17, 2021 – MIYERKULES SA IKAAPAT NA LINGGO NG KUWARESMA

EBANGHELYO: Jn 5:17-30

Sumagot si Jesus sa mga Judio: “Kumikilos pa rin ang aking Ama kaya’t kumikilos din ako.” Kaya lalo pa ring hinangad ng mga Judio na patayin siya dahil dito, sapagkat hindi lamang niya nilalabag ang Araw ng Pahinga, kundi sariling Ama pa ang tawag niya sa Diyos, at ipinapantay niya ang sarili sa Diyos. Kaya sumagot si Jesus at sinabi sa kanila: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, hindi makagagawa ang Anak ng anuman mula sa kanyang sarili maliban sa nakikita niyang ginagawa ng Ama. Anuman ang gawin niya, paganoon din ang paggawa ng Anak. Sapagkat mahal ng Ama ang Anak, at itinuro niya sa kanya ang lahat niyang ginagawa. At mas mahalaga pang mga kilos ang ituturo niya kayat magtataka kayo. Ibinabangon nga ng Ama ang mga patay at nagbibigay-buhay siya; gayundin naman binubuhay ng Anak ang sinumang loobin niya. At hindi nga hinahatulan ng Ama ang sinuman, kundi ibinigay niya ang buong paghatol sa Anak, upang parangalan ng lahat ang Anak gaya ng pagpaparangal nila sa Ama. Ang hindi nagpaparangal sa Anak ay hindi nagpaparangal sa Amang nag-sugo sa kanya. Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo na may buhay na walang hanggan ang nakikinig sa salita ko at naniniwala sa nagsugo sa akin. Nakatawid na siya mula sa kamatayan tungo sa buhay, at hindi siya humahantong sa paghuhukom. Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo na dumarating na ang oras, at ngayon na nga, kaya’t maririnig ng mga patay ang tinig ng Anak ng Tao at mabubuhay ang mga nakaririnig. May buhay ang Ama sa kanyang sarili, gayundin naman ibinigay niya sa Anak na magkaroon ng buhay sa kanyang sarili. At ibinigay din niya sa kanya ang kapangyarihang maghukom, sapagkat Anak siya ng Tao. Huwag ninyo itong pagtakhan: dumarating ang oras na maririnig ng lahat ng nasa libingan ang tinig niya at maglalabasan sila: papunta sa pagbangon sa buhay ang mga gumawa ng mabuti, at sa pagbangon naman sa kapahamakan papunta ang mga gumawa ng masama. Wala akong magagawa sa ganang sarili. Naghuhukom ako ayon sa aking naririnig. At matuwid ang paghuhukom ko sapagkat hindi sariling kalooban ang hinahanap ko kundi ang kalooban ng nagsugo sa akin.

PAGNINILAY

Mula sa panulat ni Margie Skeels, isang IOLA mula sa United States ang pagninilay sa ebanghelyo.  Mayroong mga tumatanggi sa pagka-Diyos ni Cristo kahit alam nilang  si Jesucristo ay Anak ng Diyos at ang Mesiyas. Patuloy pa rin si Jesus sa pagpapahayag kung sino talaga Siya. Ang lahat ng kanyang kahanga-hangang ginawa, pagpagaling sa mga maysakit, himala ng tinapay, pagbuhay sa patay, pagpapalayas sa mga masamang espiritu ay patunay na siya at ang Ama ay iisa, at lahat ng pagpapala na ginawa nya ay mula sa Ama.//  At higit sa lahat, mayroong mas malalim na katotohanan sa mga pahayag at gawa nya. Dahil sa mapagmahal at matapat na pagsunod niya sa kalooban ng Diyos Ama, ang Panginoong Jesus ay pinagkalooban din ng kapangyarihan na maggawad ng buhay na walang hanggan sa lahat ng maniniwala at susunod sa Kanya. Hindi ba ito ang pinakamahalagang mabuting balita para sa ating lahat?//  (Buksan natin ang Biblia at basahin ang mga salitang tibok ng dibdib ni Jesus.  Mula ngayon, magplano tayo at gumawa ng kabutihan para makamtan ang buhay na walang hanggan.// Ngayong panahon ng Kuwaresma, maging mukha nawa tayo ng habag at awa ng Diyos lalo’t higit sa mga kapatid nating nangangailangan.  Pakainin ang nagugutom, bigyan ng inumin ang nauuhaw, damitan ang hubad, kupkupin ang walang tirahan, bisitahin ang mga may sakit at mga nakakulong, at ilibing ang patay. Maari din tayong magkawang-gawang espirituwal sa mga kapatid nating pinanghihinaan ng loob lalo na ngayong panahon ng pandemya. Bigyan ng payo ang nagdududa at ang makasalanan, turuan ang walang alam, aliwin and nagdurusa, magtiis at magpasensya ng kamalian, at ipagdasal ang mga buhay at mga patay.// Kapag nagawa natin ang mga ito sa tulong ng Diyos, maliwanag ang ating daan sa buhay na walang hanggan.) Kaya ngayong kuwaresma makinig tayo sa salita ni Jesus at sumampalataya tayo sa Diyos Ama na nagsugo sa kanya upang makamtan natin ang buhay na walang hanggan.//  Jesus Banal na Guro, ang Daan, Katotohanan at Buhay, maawa Ka sa amin. Amen.