Mapagpalang araw ng Huwebes, mga kapanalig (minamahal kong kapatid at texters!) Pasalamatan natin ang Panginoon na nagsabuhay ng pagiging dukha! Si Sr. Gemma Ria po, mga kapanalig. Kabilang po ako sa mga Daughters of St. Paul. Kapag nakakita ka ng pulubi, saan ka tumitingin? Sa malayo o sa mukha ng pulubi? Palalimin natin ang ating pananampalataya sa pagtanggap ng Mabuting Balita ngayon ayon kay San Mateo kabanata dalawampu, talata labimpito hanggang dalawampu’t walo.
EBANGHELYO: LUCAS 16: 19-31
Sinabi ni Hesus sa mga Pariseo: “May isang mayaman na nakabihis ng magarang damit at pinong linen at parang piesta ang kanyang buhay araw-araw. Nakahandusay naman sa may pintuan n’ya ang isang dukhang nagngangalang Lazaro. Tadtad s’ya ng sugat at gusto sana n’yang kanin ang mumong nahuhulog sa hapag ng mayaman; sa halip ay mga aso ang lumalapit sa kanya at hinihimuran ang kanyang sugat. At namatay ang dukha at dinala s’ya ng mga anghel sa piling ni Abraham. Namatay din ang mayaman at inilibing. Nang nasa impiyerno na s’ya tumingala s’ya sa kanyang pagdurusa at natanaw sa malayo si Abraham at si Lazaro sa piling nito. Kaya’t sumigaw siya: ‘Amang Abraham, maawa ka sa akin at utusan mo naman si Lazaro na isawsaw n’ya sa tubig ang dulo ng kanyang daliri at paginhawahin ang aking dila dahil lubha akong naghihirap sa lagablab na ito.’ ‘Anak, alalahanin mong tinanggap mo na sa buhay mo ang mabuti sa iyo at kay Lazaro naman ang masasama. Kaya s’ya ngayon ang nasa ginhawa at ikaw ang nagdurusa. At isa pa’y malawak na bangin ang hindi matatawid ang itinakda sa pagitan natin. Kaya hindi makatatawid ang mga may gustong pumunta riyan galing dito at hindi rin naman makatatawid ang mula riyan papunta rito.’ ‘Kaya ipinakikiusap ko sa iyo, Ama, na papuntahin mo si Lazaro sa bahay ng aking ama, kung saan naroon ang lima kong kapatid para babalaan sila upang di sila mapunta sa lugar na ito ng pagdurusa.’ ‘Nasa kanila si Moises at ang Mga Propeta, makinig sila sa mga ito.’ ‘Hindi gayon, Amang Abraham; kung isa sa mga patay ang pupunta sa kanila, magsisisi sila.’ ‘Kung hindi nila pakikinggan si Moises at ang Mga Propeta, hindi pa rin sila maniniwala bumangon man ang isa sa mga patay.
PAGNINILAY
Sa turo po ng ating simbahan may dalawang klasipikasyon ang kasalanan tinatawag po nating, Sin of commission at sin of omission. Sin of commission, ibig sabihi’y niloob at sadya mong ginawa ang kasalanan. Ang Sin of omission nama’y sinadya mong wag pansinin o gawin ang kabutihang marapat mong gawin o piliin. Ang Kuwento po ni Lazaro at Mayamang lalaki ay naglalarawan sa atin ng sin of omission. Alam ng mayaman, kitang-kita niya na gutom si Lazaro ngunit wala siyang ginawa. Sinadya niyang magbulag-bulagan at huwag pansinin. Patay-malisya. Mga kapanalig, ilang beses na ba tayo nagbulag-bulagan sa ating buhay? Sanay ba tayong walang paki sa katotohanan at kabutihan? Nabanggit nga ito ni St. James sa Letter niya, Chapter 4: verse 17: “For one who knows the right thing to do and does not do it, it is a sin.” Nakakatakot sapagkat napunta sa impiyerno ang mayamang walang paki. Kaya naman magnilay na rin tayo. Sa mga lahat po ng mga parabula ni Hesus, isang karakter lamang ang kanyang binigyan ngalan—si Lazaro. Isang paalala na ang bawat taong nangangailangan, nagugutom, uhaw, mayroon silang pangalan, may puwang sila sa puso ng Diyos. Sana po sa paghahanda nating matanggap ang dakilang grasya hatid ng Muling pagkabuhay, dumamay tayo sa mga Lazaro sa ating buhay. Sabi nga ni Mother Teresa ng Calcutta: if you cannot feed hundred, then just feed one.