Daughters of Saint Paul

Marso 17, 2025 – Lunes sa Ika-2 Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda

Ebanghelyo: LUCAS 6, 36-38

Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Maging maawain kayo gaya ng inyong Amang maawain. Huwag kayong humatol, at hindi kayo hahatulan; huwag n’yong sumpain ang sinuman, at hindi kayo susumpain; magpatawad kayo, at kayo’y patatawarin. Magbigay kayo, at kayo’y bibigyan—isang saganang takal, siksik, liglig at umaapaw ang ibubuhos nila sa inyong kandungan. Sapagkat susukatin kayo sa sukatang ginagamit ninyo.”

Pagninilay:

Minsan sa pag-inom ko ng gatas, may napagtanto ako. Kung ano ang laman ng gatas na nasa tasa, ‘yun ang dapat inumin. Masarap i-enjoy ang gatas bukod sa masarap na, masustansya pa. May Protein, Calcium, Vitamin B, Fats, at iba pa. Sayang kung hindi ko iinumin ang gatas sa tasa ko at itatapon na lang ang tira. Kung ano ang nasa sisidlan, dapat i-consume.

Talking about sisidlan, alam mo ba na nilikha tayo ng Diyos bilang Kanyang sisidlan? Kinailangan Niyang magkaroon ng mga lalagyan para sa Kanyang mga biyaya. Taglay Niya ang lahat ng makabubuti sa atin. Pero, hindi lang tayo “just-just”. Hindi tayo basta-basta na sisidlan, kundi taglay natin ang “ruah”. Ito ang Espiritu ng Diyos na sentro ng ating pagkatao. Mahalaga ito dahil ito ang ipinagkaloob ng Diyos para makatagpo natin Siya at matanggap. Bilang sisidlan at taga-tanggap, tayo rin ay mga dispenser. Inaasahan tayo na ibuhos sa iba kung ano ang meron sa atin. Pero bakit marami sa atin ang sinsarili ang pakikinabang sa sustansya ng gatas. Tayo lang ang maliligo ng gatas. Magtatravel abroad, magpapalawak ng mga lupain, kakain ng matatamis at malilintog na ubas, gagamitin ang kaban ng bayan para sa kampanya at eleksyon. Naka-freeze lang sa atin ang biyaya. Hala, hindi ba hustong sukat, liglig at umaapaw ang ibinigay sa atin tapos, i-hohoard natin? Nasaan ang concept ng sharing? Paano mai-aapply ang giving? Baka hindi ka matutuwa sa ireresbak sa iyo. Eh hindi ba kung ano ang ibinigay sa ‘yo, ibigay mo rin nang walang bawas? Kung hindi tayo magbibigay at papanisin natin ang sustansya ng gatas, sino ang lugi? Remember, may CCTV si Lord. Malawakan itong CCTV na Siya lang ang nag-install. Kay daming yaman ang ipinagkatiwala sa atin ng Diyos. Kaya masagana natin itong ibahagi. Huwag tayong mamili. Huwag din tayong maging kuripot. Happy ka ba talaga kung katiting lang ang ibibigay mo?