Daughters of Saint Paul

Marso 18, 2017 SABADO sa Ikalawang Linggo ng Kuwaresma / San Cirilo de Jerusalem

 

Mik 7:14-15, 18-20 – Slm 103 – Luke 15:1-3, 11-32

Luke 15:1-3, 11-32

Lumapit kay Jesus ang lahat ng kolektor ng buwis at mga makasalanan para makinig. Kaya nagbulung-bulungan ang mga Pariseo at mga guro ng batas:“Tinatanggap niyan ang mga makasalanan at nakikisalo sa kanila.”  Kaya sinabi ni Jesus ang talinhagang ito sa mga Pariseo at mga guro ng Batas:

            “May isang taong may dalawang anak na lalaki. Sinabi ng bunso sa kanyang ama:  'Itay, ibigay na ninyo sa akin

ang parte ko sa mana.'  At hinati sa kanila ng ama ang ari-arian.

            “Pagkaraan ng ilang araw, tinipon ng bunsong anak ang lahat ng kanya at naglakbay sa malayong lupain. Doon niya winaldas ang sa kanya sa maluwag na pamumuhay. Nang maubos na ang lahat sa kanya nagkaroon ng matinding taggutom sa lupaing 'yon at nagsimula siyang maghikaos. Kaya pumunta siya at namasukan sa isang tagaroon, at inutusan siyang mag-alaga ng mga baboy sa bukid nito. At gusto sana niyang punuin kahit na ng kaning-baboy ang kanyang tiyan pero wala namang magbigay sa kanya.

            “Noon siya natauhan at nag-isip:  'Gaano karaming arawan sa bahay ng aking ama na labis-labis ang pagkain at namamatay naman ako dito sa gutom. Titindig ako, pupunta sa aking ama at sasabihin ko sa kanya:  'Itay, nagkasala ako laban sa Langit at sa harap mo. Hindi na ako karapat-dapat pang tawaging anak mo; ituring mo na akong isa sa iyong mga arawan.' 

            “Kaya tumindig siya papunta sa kanyang ama.  Malayo pa siya nang matanaw ng kanyang ama at naawa ito, patakbo nitong sinalubong ang anak, niyakap at hinalikan. Sinabi sa kanya ng anak:  'Ama, nagkasala ako laban sa langit at sa harap mo; hindi na ako karapatdapat pang tawaging anak mo.'

            Pero sinabi ng ama sa kanyang mga utusan:  'Madali, dalhin ninyo ang dati niyang damit at ibihis sa kanya; suutan ninyo ng sinsing ang kanyang daliri at ng sapatos ang kanyang mga paa. Dalhin at katayin ang pinatabang guya, kumain tayo at magsaya sapagkat namatay na ang anak kong ito at nabuhay, nawala at natagpuan.' At nagsimula silang magdiwang.

            Nasa bukid noon ang panganay na anak. Nang pauwi na siya at malapit na sa bahay, narinig niya ang tugtugan at sayawan. Tinawag niya ang isa sa mga utusan at tinanong kung ano ang nangyari. Sinabi nito sa kanya:  'Nagbalik ang kapatid mo kaya ipinapatay ng iyong ama ang pinatabang guya dahil nabawi niya siyang buhay at di naano.'

            “Nagalit ang panganay at ayaw pumasok kaya lumabas ang ama at naki-usap sa kanya. Sumagot naman siya sa ama:  'Maraming taon na akong nagsisilbi sa inyo at kailanma'y di ko nilabag ang inyong mga utos pero kailanma'y di ninyo ako binigyan ng kahit na isang kambing na mapagpipiyestahan namin ng aking mga barkada. Ngunit dumating lamang ang anak ninyong ito na lumustay sa inyong kayamanan sa mga babaeng  bayaran, at ipinakatay ninyo pa ang pinatabang guya.'

            Sinabi sa kanya ng ama:  'Anak, lagi kitang kasama at sa iyo rin ang lahat ng akin. Pero dapat lamang na magdiwang at magsaya dahil namatay na ang kapatid mo at nabuhay, nawala at natagpuan'.”

PAGNINILAY

Mga kapatid, narinig natin sa kuwento na pagkatapos ng pagpapasarap sa buhay, natauhan ang bunsong anak.  Kaya’t hindi pa man siya nahihimasmasan sa kanyang pagkalasing, patakbo siyang umuwi sa kanila, nagsisisi at handang manilbihan bilang utusan.  Tayo ang bunsong anak na iyon ng ama.  Ilang beses na ba tayong lumayo sa Diyos at sariling gusto ang sinunod natin?  Nagpasasa  tayo sa mga bagay na akala natin magbibigay sa atin ng kasiyahan, pero pagkatapos ng lahat, may kulang pa rin sa ating puso.  Oo, pinagsisihan na natin ang ating ginawa at kung maaari lamang gusto nating ibalik ang nakaraan.  Pero tapos na ang lahat.  Nangyari na ang nangyari.  Kapatid, huwag kang mahiyang aminin ang iyong pagkakamali, ni mag-alinlangang lumapit sa Ama at humingi ng kapatawaran sa iyong mga kasalanan.  Sabik na sabik na Siyang makapiling ka at matagal nang naghihintay sa iyong pagbabalik.  Hanggang kailan mo Siya paghihintayin?  Panginoon, loobin Mo pong mapagsisihan ko nang lubos ang aking mga kasalanan, at maiwasan ang pagkakasala sa hinaharap.  Amen.