EBANGHELYO: Mateo 5:17-19
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Huwag ninyong akalain na naparito ako para pawalang-bisa ang Batas at Mga Propeta. Naparito ako hindi para magpawalang bisa kundi upang magbigay-karapatan. At talagang sinasabi ko sa inyo: habang hindi nagbabago ang Langit at lupa, hindi mababago ni isang kudlit o kuwit ng Batas: lahat ay matutupad. “Kung may lumabag sa pinakamaliit na ipinag-uutos ng Batas at magturo ng ganoon sa mga tao, ituturing din siyang pinakamaliit sa Kaharian ng Langit. Ngunit kung may magsasagawa at magtuturo ng mga ito sa mga tao, magiging dakila siya sa Kaharian ng Langit.”
PAGNINILAY:
(Isinulat ni Cl. Buen Andrew Cruz ng Society of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo.) May mga taong dumarating sa buhay natin minsan na magandang balita ang dala. Sila yung ang dala ay pag-asa o solusyon sa problema. Minsan naman may mga tao na kung darating, dumidilim ang paligid, naglalaho ang liwanag, tila naglalakad na sakit sa ulo o talim sa puso mo. Iba-iba ang dala ng bawat darating sa ating buhay. Parang ganito ang nasa-isipan ng mga alagad noong panahon ni Hesus, na masosolusyunan na ang matagal nilang problema, mabubuwag na ang mga Pabigat sa Kanila. Pero, iba ang pagkaunawa ni Hesus sa kanyang pagdating. Wika Niya,“Dumating ako hindi para buwagin bagkus para isakatuparan ang sinasabi sa Torah at ng mga Propeta.” Ang pagdating ni Hesus ay nagdadala ng katuparan. Siya ang Katuparan ng mensahe ng mga Propeta at ng Torah. Siya ang Katuparan ng Tipan, Siya ang katuparan sa pangako ng Diyos sa kanyang bayan. Katuparang nagdadala ng Pag-asa, Buhay at Kapayapaan. Marahil lalong nagulumihanan ang mga alagad. Pero, magiging malinaw ang lahat ng ito sa tamang panahon. Pagnilayan natin, sa tuwing tayo ay darating sa isang lugar o sitwasyon, ang ating presensya ba ay nagdadala ng katuparan, pag-asa at kapayapaan o kasiraan at problema? Tulad ni Hesus, magdala tayo ng katuparan ng mga pangako, pag-asa sa mga nabibigatan at mas malalim na pag-unawa sa kahulugan ng ating pananampalataya at buhay.