Daughters of Saint Paul

MARSO 18, 2021 – HUWEBES SA IKAAPAT NA LINGGO NG KUWARESMA

EBANGHELYO: Jn 5:31-47

Sinabi ni Jesus sa mga Judio: “Kung nagpapatotoo ako sa aking sarili, hindi mapanghahawakan ang patotoo ko. Ngunit iba ang nagpapatotoo tungkol sa akin at alam ko na mapanghahawakan ang kanyang patotoo tungkol sa akin. Nagsugo rin kayo kay Juan at binigyang-patotoo niya ang katotohanan. Ipinaaalala ko ito dahil sa inyo para maligtas kayo, ngunit hindi ko hangad ang patotoong mula sa tao. Isa nga s’yang ilaw na may sindi at nagniningning, at ginusto ninyong magalak pansamantala sa kanyang liwanag. May patotoo naman ako na higit pa kaysa kay Juan – ang mga gawang ibinigay sa akin ng Ama upang tuparin ko ang mga iyon.  Ang mga gawang ginagawa ko ay nagpapatotoo na sinugo ako ng Ama. At nagpapatotoo rin sa akin ang Amang nagsugo sa akin. Kailanma’y di ninyo narinig ang kanyang tinig ni nakita ang kanyang anyo. At hindi rin nananatili sa inyo ang kanyang salita dahil hindi kayo naniniwala sa kanyang sinugo. Sinaliksik ninyo ang mga Kasulatan sapagkat iniisip ninyong doon ninyo matatagpuan ang buhay na walang hanggan. Nagpapatotoo nga sa akin ang mga Kasulatan, ngunit ayaw ninyong lumapit sa akin para mabuhay. Hindi ko hangad ang papuri mula sa mga tao, ngunit alam kong walang pagmamahal sa Diyos sa inyong kalooban. Hindi ninyo ako tinatanggap sa pagdating ko sa ngalan ng aking Ama; kung sakaling may pumarito sa sarili niyang pangalan, siya ang inyong tatanggapin. Paano kaya kayo makapaniniwala kung ang hangad ninyo’y papuri sa isa’t isa at hindi ang papuring galing sa iisang Diyos ang hanap. Huwag ninyong ipalagay na ako ang magsasakdal laban sa inyo sa harap ng Ama. Si Moises ang magsasakdal laban sa inyo, siya na inyong inasahan. Kung pinaniniwalaan nga ninyo si Moises, paniniwalaan din sana ninyo ako, sapagkat tungkol sa akin ang sinulat niya. Ngunit kung hindi ninyo pinaniniwalaan ang mga sinulat niya, paano ninyong paniniwalaan ang mga pananalita ko?”

PAGNINILAY

Mula sa panulat ni Sr. Janice Golez ng PDDM ang pagninilay sa Ebanghelyo. Bakit nga ba mahirap magpakatotoo? Mahilig tayo mag sugarcoat ng katotohanan tungkol sa sarili dahil sa takot nating ma-reject o di mahalin. Kadalasan kailangan natin ang pagpapatotoo ng iba na tayo ay mabuti, tapat at kalugud-lugod. Sa Mabuting Balitang ating narinig, di kinailangan ni Hesus ng iba upang magpatotoo sa Kanya. Ang kanyang sariling pagkakakilanlan ay sapat na dahil ito ay nakaugat sa relasyon niya sa kanyang Ama. Ang kanyang mga ginagawa ay sapat nang pagpapatotoo kung sino siya at kung ano ang misyon nya. Tulad ni Hesus, ang relasyon natin sa Diyos ang syang batayan ng ating sariling pagkakakilanlan. Mainam na nakaangkla din tayo sa katotohanang tayo ay nilikhang kawangis ng Diyos at Sya ay nananahan sa atin. Samakatuwid tayo ay nabiyayaan din ng pagkakakilanlan na di nangangailangan ng pagpapatotoo ng iba. Tayo mismo ay may kakayanan na isabuhay at tuparin ang ating misyon nang naaayon sa kalooban ng Diyos Ama.