Daughters of Saint Paul

MARSO 18, 2022 – BIYERNES SA IKALAWANG LINGGO NG KUWARESMA

Mapagpalang araw ng Biyernes,  mga kapanalig (mga kapatid at texters)!  Purihin natin ang Diyos at ang Kanyang Banal na Salita!  Siya na nagtuturo sa atin na maging makatarungan at hindi marahas. Si Sr. Gemma Ria po  ito, mga kapanalig.  Isa po ako sa mga Daughters of St. Paul na tagapaghatid ng Mabuting Balita. Handa na ba kayo?  Inihahain namin   ito ayon kay San Lukas, sa ikadalawampu’t isang kabanata, talata tatlumpu’t tatlo hanggang apatnapu’t tatlo, at apatnapu’t lima hanggang apatnapu’t anim. 

EBANGHELYO: MATEO 21: 33-43, 45-46

Sinabi ni Hesus sa mga Punong-pari at mga Matatanda ng mga Judio: “Makinig kayo sa isa pang halimbawa; May isang may-ari ng bahay na nagtanim ng ubasan, binakuran ang paligid nito, humukay para sa pisaan ng ubas, at nagtayo ng toreng bantay. Pinaupahan niya ang ubasan sa mga magsasaka at naglakbay sa malayo. Nang malapit na ang panahon ng anihan, pinapunta ng may-ari ang kanyang mga katulong sa mga magsasaka para kubrahin ang kanyang bahagi sa ani. Ngunit sinunggaban ng mga magsasaka ang kanyang mga katulong, binugbog ang isa, pinatay ang iba at binato ang ilan. Nagpadala uli ang may-ari ng marami pang katulong subalit ganoon din ang ginawa ng mga magsasaka sa kanila. Sa bandang huli, ipinadala na rin niya ang kanyang anak sa pag-aakalang ‘Igagalang nila ang aking anak.’ Ngunit nang makita ng mga magsasaka ang anak, inisip nilang ‘Ito ang tagapagmana. Patayin natin siya at mapapasaatin ang kanyang mana.’ Kaya sinunggaban nila siya, at inilabas sa ubasan at pinatay. Ngayon, pagdating ng may-ari ng ubasan, ano ang gagawin niya sa mga magsasaka?” ‘Hindi niya kaaawaan ang masasamang taong iyon. Pupuksain n’ya ang mga iyon at pauupahan ang ubasan sa ibang magsasakang magbibigay ng kanyang kaparte sa anihan.’” At sumagot si Hesus: “Hindi n’yo ba nabasa sa kasulatan? ‘Naging panulukang bato ang tinanggihan ng mga tagapagtayo. Gawa ito ng Panginoon; at kahanga-hanga ang ating nakita.’ Kaya sinasabi ko sa inyo: aagawin sa inyo ang Kaharian ng Diyos at ibibigay sa isang bayang makapagpapalago nito.” Nang marinig ng mga Punong-pari at mga Pariseo ang mga talinhagang ito, nauunawaan nila na sila ang pinatutungkulan ni Hesus. Huhulihin na sana nila s’ya, ngunit natakot sila sa mga tao na kumikilala sa kanya bilang Propeta.

PAGNINILAY

Pinagkatiwalaan ka, tapos gumawa ka pa ng karahasan sa pinakamamahal na may-ari ng ubasan? Kung ikaw ang nasa panig ng may-ari ng ubasan, ano ang mararamdaman mo? Ano kaya ang magiging reaksyon mo? Ito ang hangad nating masugpo sa ating bansa. Ang karahasang ginawa na tahasan at nasa mga headlines pa sa mga balita. O kaya ang patago na pagkitil ng buhay para sa sariling ambisyon. Dalawang buwan na lang, eleksyon na. Sabi nga sa jingle ng PPCRV, MakaPilipinas! Ang Pilipinong makapilipinas, mahal ang mga kapwa-Pilipino. May respeto sa buhay at pamilya. Nagtataguyod ng pangkalahatang kabutihan. Hindi sinungaling. Makatarungan. Handang ialay ang buhay para sa bayan. Hindi ang pagsasakripisyo ng bayan para sa sariling kapakanan. Ang lahat ng ito, nakaugat sa turo ni Kristo. Kung ikaw ay makaPilipinas, ang Diyos ang iyong batas. Ang kabutihan ng Diyos, sa gawa mo, nababakas.